Balak talagang i-pursue ni Nikko Natividad ng grupong Hashtags ang paghu-host at ayon sa kanya, magandang simula ang ibinigay na pagkakataon sa kanya ng “It’s Showtime“.
“Masaya ako sa ganu’ng mga hosting, huwag muna sa mga formal,” sabay tawa niya.
“Kasi hindi pa rin ako masyadong tiwala na kaya ko nang mag-formal hosting, dahil siyempre gusto ko munang mapag-aralan ‘yon. Sa ngayon, mas gusto ko ‘yung casual hosting lang.”
Sino bang iniidolo niya sa paghu-host?
“Gusto ko talagang maging Luis Manzano. Kasi si Luis, pogi siya na pa-comedy ang paghu-host. Gusto ko nang ganu’n. Siya ang peg ko talaga sa hosting.
“Kaya everytime na nabibigyan ako ng chance sa ‘It’s Showtime’, inaayos ko talaga ‘yung trabaho ko. Kinausap din nila ako na i-maintain ko raw ‘yung paghu-host na kalog, kuwela. So pina-practice ko ‘yung sense of humor ko, ‘yung pagbitaw ng mga punchline, pina-practice ko ‘yon,” sey pa ng guwapong binata.
Bukod kina McCoy de Leon at Ronie Alonte, isa rin si Nikko sa maraming followers sa social media.
“Natutuwa ako siyempre saka pinilit ko na itaas pa ‘yung energy ko palagi saka galingan pa para dumami pa ‘yung followers ko. Kasi ‘pag dumarami sila, mas maraming nakakikilala sa akin at mas maraming dumarating na project sa akin,” rason pa ng guwapong binata.
La Boka
by Leo Bukas