Nilalagnat na Testimonya

 MATAPOS MAGBIGAY ng testimonya si Dennis Cunanan sa Senado kaugnay sa “pork barrel scandal”, marami ang nagtataka ngayon kung ipinipilit ng Department of Justice (DOJ) na maging “state witness” ang nabanggit na dating pinuno ng Technology Resource Center (TRC). Maging ang mga senador na sina Grace Poe at Koko Pimentel ay nagsasabing hindi karapat-dapat na tanggapin na testigo at bigyan ng immunity si Cunanan.

UNA, WALA na agad kredibilidad ang testimonya ni Cunanan. Kung ang ibang mga state witnesses kagaya nina Benhur Luy at Ruby Tuason ay umamin na sila ay nakinabang din sa pork barrel scam, pinili ni Cunanan na magmalinis at sabihing wala siyang kinalaman dito. Salungat ito sa testimonya ni Luy na nakita niyang kumukuha ng pera sa opisina ni Janet Lim-Napoles si Cunanan habang siya ay pinuno ng TRC.

MALINAW NA mas kapani-paniwala ang mga inilahad ni Luy. Paano nga naman mapipilitan si Cunanan na sumunod sa utos ng mga kagaya lang nina Luy kung hindi siya nakikinabang sa mga transaksyon sa kanyang opisina? Bakit hindi niya ibinunyag nang maaga ang nangyayaring katiwalian sa kanyang tanggapan kung totoong hindi siya kumuha ng komisyon mula kay Napoles? Ano ang ginagawa niya sa opisina ni Napoles sa Ortigas?

KUNG INAASAHAN ni Cunanan na maituturing pa siyang bayani matapos ang kanyang pagtestigo sa pork barrel scam, mukhang nagkakamali siya. Matatandaan na nagsinungaling din si Cunanan ukol sa kanyang educational background at mga ari-arian. Sinipa siya mula sa Commission on Higher Education (CHED) dahil sa pagsasabing nagtapos siya sa University of the Philippines samantalang hindi naman pala siya nagtapos sa nasabing pamantasan. Sa kanyang maliit na suweldo, meron din siyang bahay sa White Plains, Quezon City na nagkakahalaga ng 40 milyong piso. Ngayon, sinasabi niya na sa 600 milyong piso na dumaan sa kanyang opisina, hindi siya kumupit kahit na isang sentimo.

PANGALAWA, PARA maging state witness, dapat ay may matinding pangangailangan talaga sa testimonya ng nasabing tao at ang kanyang mga ilalahad ay hindi pa nasakop ng testimonya ng iba pang mga testigo. Sa pakikinig sa kanyang mga kuwento, kahit sinong abogado ay magsasabing walang magiging silbi ang testimonya ni Cunanan. Lumang kuwento na ang mga ito. Malinaw na gusto lamang niya isalba ang kanyang sarili.

WALANG PANGANGAILANGAN para sa testimonya ni Cunanan. Mahina ito. Nilalagnat. Mas mahina pa ito sa mahigit isangdaang taong gulang na ermitanyo na may sakit, nakipagtalik ng sampung beses, nag-donate ng dugo, tapos hindi pa kumain ng isang linggo.

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous articleBagets Childhood Foods
Next articleMabait ang CA kay Delfin Lee?!

No posts to display