NAGING POPULAR na ang paghahalintulad sa sirena ang pagiging binabae sa ating lipunan. Makailang ulit na rin itong ginagamit sa mga pelikula at palabas sa telebisyon. Nagkaroon pa ng segment sa isang matagal nang programang pang-tanghali, kung saan ang pamagat ng contest ay “Super Sireyna”. Ito’y contest ng pagandahan at talento ng mga “gay”. Ang mga sumasali rito ay wari mo’y mga tunay na babae sa ganda ng mukha, tindig at pangangatawan, at maging ang timbre ng boses nila ay pambabae rin ang tunog. Hindi mo nga matatanto na hindi sila tunay na babae kung hindi mo alam ang kahulugan at gamit ng salitang “sirena” sa “super sireyna”.
Ito ay halaw sa isang tagpo sa pelikulang “Jack and Jill” na pinagbidahan ng hari ng komedya na si Dolphy. Sa tagpong ito ay nais ng ama ni Dolphy, sa karakter na “Jill”, na umamin siya at sabihin na tunay itong lalaki. Bakla ang karakter na Jill kaya makailang ulit pinipilit ilubog ang ulo niya sa drum na puno ng tubig ng kanyang tatay na ginampanan ng komedyanteng si Panchito. Sa tagpong ito ay tila yata gusto rin siyang lunurin dahil sa tindi ng galit ng ama nito. Sa kahulihang tanong na “lalaki ka ba?” ay malumanay na sinabi ni Jill na siya ay isang sirena o babaeng isda. Sinabi ito ni Jill dahil sa sobrang pagkababad at pagkalunod ng ulo nito sa tubig ng drum.
Ang lahat ay natatawa sa tuwing maipaaalala ang pinagmulan ng gamit sa salitang “sirena” bilang isang paghahalintulad sa babaeng isda kung saan nakadikit dito ang eksenang nabanggit ko sa pelikulang “Jack and Jill”. Gayun din ang pagkagiliw ng mga nanonood sa segment na “Super Sireyna” sa pang-tanghaling programa sa mga kalahok nitong karamihan ay mga transgender na rin.
Ang isang transgender ay lalaking nagpalit ng kanyang bayolohikal na katawan na gaya sa isang babae kaya mahirap matanto ang tunay nitong kasarian. Pag-uusapan natin sa artikulong ito ang kaso ng isang transgender na pinatay sa isang silid kung saan ay natagpuan ang kanyang katawan na nakalubog ang ulo sa tubig ng inodoro, halos gaya at tulad na rin sa tagpo ng pelikulang “Jack and Jill”, ngunit ang pagkakaiba ay rito sa kaso, nilunod at pinatay ang “sirena”.
ANG ISANG pagkakaiba pa ng kasong ito sa pelikula ni Dolphy na “Jack and Jill” ay walang natawa at bagkus ay galit ang naramdaman ng mga Pilipino sa nangyari na pagpatay sa Pilipinong transgender na ito. Masakit pala at nakagagalit kapag ginagawa na ito sa tunay na buhay at hindi sa konteksto ng pagpapatawa. Nakadudurog din ng pagkatao ang tagpong ito dahil hindi na itinuring na tao ang biktimang transgender sa paraan ng pagpatay rito. Maaari namang pinatay sa sakal gamit ang kamay o tali o ‘di kaya’y binaril o sinaksak ng patalim. Ngunit ang lunurin sa tubig ng inodoro ay may kalakip na itong pagyurak sa pagkatao na tila hindi na siya itinuring na isang tao.
Ang krimen na ginawa ng isang Amerikanong sundalo sa isang transgender na Pinoy ay gaya na rin lamang ng mga iba pang kasong kriminal kung saan nasangkot ang mga Amerikanong sundalo. Matagal na ring protesta ng mga makakaliwa sa bansa, na ang pananatili ng mga Amerikanong sundalo sa bansa natin ay naglalagay lamang sa panganib sa kababayan nating nagtatrabaho at kumikita sa tuwing nandito ang mga sundalong Kano. Lumang tugtuging problema, ‘ika nga.
Subalit, kung mas malalim ang pagtalakay natin sa kasong ito ay tila sinasangkot nito ang isyu ng homoseksuwalidad at pagkatao. Ang problema ay nanggagaling sa pagkakatanggap ng ating kultura sa mga transgenders sa pananaw ng mga banyaga. Nakikita ko na ang naging problema sa kasong ito ay may kinalaman sa oryentasyon ng mga banyaga, kung saan ay hindi nila alam na sa Pilipinas ay may mga transgenders na ring “sex workers” o nagbebenta ng panandaliang-aliw. Maaaring inakala siguro ng salarin na tunay na babae ang kanyang inupahan o nakaibigan.
ANG TUNAY na isyu sa kaso na ito ay ang hindi lubos na pagtanggap at pagbibigay-pagkilala ng ating pamahalaan na sila ay bahagi na ng ating pamayanan. Hindi gaya sa Thailand kung saan alam ng mga dayuhan na maraming “sex workers” doon kaya hindi nagkakaroon ng problema sa pagkakalinlang o pagkakamali ng isang parokyano sa isang sex worker.
Dapat ay magkaroon ng isang sistema ng pagregula sa mga gawain ng transgender. Ngunit malayo itong mangyari hangga’t hindi pa lubos ang pagkilala ng pamahalaan sa karapatan ng LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual at Transgender). Ang pagtanggap sa kanila bilang bahagi ng ating lipunan ang siyang magbubuo ng kanilang pagkatao sa ating kultura at lipunan. Dito sisibol ang kanilang karapatan at hindi na nila kailangang magtago o magpanggap bilang isang babae.
Ang isyu sa kasong ito ay hindi nalilimitahan sa pagkakaroon ng mga Amerikanong sundalo sa Pilipinas kundi malaki ang kinalaman nito sa pagkilala ng ating gobyerno sa mga LGBT bilang mamamayan na may pangangailangang hindi bilang isang lalaki o babae, kundi bilang sila na may pagpili sa seksuwal nilang oryentasyon. Dito rin magsisimula ang respeto ng ibang mga lahi para sa kanila dahil sa sarili nilang bansa ay kinikilala na rin sila.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ang inyong lingkod ay napanonood din sa Aksyon sa Tanghali, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 pm sa TV5. Samantalang ang T3 Enforced naman ay napanonood tuwing 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes sa TV5 pa rin.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo