LIMANG TAON ko nang isinasabit ang capiz kong parol bago dumating ang Pasko. Sa subdivision naman, ito na yata ang pinakamalaking parol, 4 ft. ang taas at may kumukutitap na mahigit 200 colored bulbs. Pinagtitingnan ito ng mga kapit-bahay at ‘di iilang bisita napapadako sa amin.
Ngunit ngayong Pasko, ‘di ko na maisasabit ito. Sa ikinagalit kong kapabayaan ng isa kong kasambahay, ang parol ay inanod sa garahe nu’ng kasagsagan ng “Ondoy”. ‘Di na mare-repair, ayon sa tatlong manggagawa ng parol na nilapitan ko.
Bata pa ako’y kinagigiliwan ko na ang paggawa ng parol. Agosto pa lang, kami ni Lolo Cito ay nagtutungo sa iba’t ibang ilog upang mangahoy ng batang kawayan na gagawing parol. Dala ang isang matulis na itak, lulusong kami sa tabi ng ilog kung saan may laging nagyayabungang kawayan. Bandang kalagitnaan ng Oktubre, sisimulan na namin ang parol. Kami na ‘ata ang pinakamaagang magkabit ng parol sa aming pook.
Panahon din ng parol ‘pag Santacruzan sa Mayo. Kami ni lolo ang laging inaatasan sa paggawa ng 24 na parol at 10 arko para sa prusisyon. Ang mga alaalang ito ang ‘di ko malimutan sa a-king kabataan.
Nu’ng panahong ‘yon, puro papel lang ang pambalot sa parol. Ngayon napalitan na ng capiz at iba pang uri ng plastik materials. Kagalingan sa huli, nare-recycle mo ang parol nang matagal.
Sa mga lantern contest, kami ni lolo ay laging nagwawagi. Selebrasyon ito sa bahay kasama ang maraming kamag-anak at malalapit na kaibigan. Iba ang diwa at puso nu’ng panahong ‘yon. Tahimik, simple at mababaw ang kaligayahan ng mga tao.
Ngunit may isa pa akong espesyal na dahilan kung bakit kinagigiliwan ko ang parol. Inisip ko na habang ang mga tao ay nagsasabit ng parol – lalo na sa Pasko – may pag-asa ang buhay at mundo. Sapagkat ang ningas ng parol ay simbulo ng ating pag-asa sa mapayapa at maka-Diyos na buhay.
SAMUT-SAMOT
TOTOO BA ang balita? Bago mag eleksyon lalagay na sa tahimik sina Sen. Chiz Escudero at Heart Evangelista. Siyempre, pah. Hinog na hinog na ang relationship ng dalawa at this time it may be for keeps for Chiz. Anyway, wala nang hadlang. Annulled na unang marriage ni Chiz at si Heart ay very eligible. Mukhang swak na swak ang dalawa. ‘Yon lang, anong say ng “foster mother” ni Heart, si Sen. Miriam?
IF YOU can’t stand the heat, leave the kitchen. Kasabihang Ingles na patungkol sa mga public officials na nagrereklamo dahil sa batikos ng media sa kanila. May isa pang kasabihan: “Criticism is part of the territory. Don’t be onion-skinned.” Pero tingnan mo kung sino ang nagsasalita. Nu’ng ako’y Press Usec sa panahon ni dating Pangulong Erap, ganito ang reklamo ko. Araw-araw, batikos ng media. Wala nang nakitang mabuti, puro masama. Para kaming nilulutong bibingka. Apoy sa itaas, sa gilid at sa ilalim. Ganyan ang patakaran sa demokrasya.
NAPABALITA NA maraming panukala tungkol sa pagdede-criminalize ng libel. Pasimuno nito ay si Sen. Jinggoy Estrada. Aprub kami rito. ‘Yon lang, kailangan may equal protection clause. Kasi maaaring humantong sa abuso. Sa totoo lang, wala akong nabalitaang nakulong sa libel. Waste of court’s time. Ngunit diin ko ay maglagay ng safeguards sa abuso.
KAPURI-PURI ANG pagbibigay ni Sen. Loren Legarda ng atensyon sa cultural minorities. Simula pa, ito ang isa sa kanyang nais na advocacy. Kamakailan, um-attend siya ng session, nakasuot ng Igorot costume. Siste lang, ‘di siya naka G-string (biro lang). Parang OA, subalit OK lang. Hehehe.
BINAWI NG Supreme Court (SC) ang naunang desisyon nito na nagpahintulot sa live media coverage sa pagdinig ng Maguindanao massacre case. Matapos katigan ng korte ang motion for reconsideration ng pangunahing suspek na si Andal Ampatuan Jr. na nagsasabing mapagkakaitan sila ng karapatan sa due process, pantay na proteksyon at presumption of innocence kung itutuloy ang public trial. Paliwanag ng SC na bagama’t kinikilala at nirerespeto nila ang press freedom, kailangan ding isaalang-alang ang karapatan ng akusado na direktang maapektukan ang pagdinig ng kaso. Bagama’t bawal ang live media coverage, pinayagan pa rin naman ng SC ang media na makapag-cover sa pagdinig para maipabatid sa publiko ang usad ng kaso.
‘DI BIRO-BIRO ang isyu ng dumping ng toxic wastes sa Subic Bay ng isang U.S. construction company. Ang sama pa nito, imbes na magpaliwanag ang construction firm ay palalo at arogante pa. ‘Di rin nakatutulong ang iba’t ibang findings ng anti-pollution agency sa bintang. Sumawsaw pa si Sen. Miriam Santiago na dahil dito dapat i-abolish na ang Visiting Forces Agreement (VFA). ‘Di biro-biro ang problema. Kung positibo, malalason ang tubig ng Subic at kayamanang dagat nito. Dapat gawin, isang masusi at mahinahong imbestigasyon.
MALIMIT MGA end nerve ko sa paa, kamay at katawan ay parang sinusundot ng karayom. Ang sakit sa Ingles ay diabetic neuropathy. Kulang din ang pag-inom ng Vitamin B complex ang isa pang dahilan. Matitiis naman ang sakit, ‘yon lang, nakakainis. Sumusumpong ‘pag nakakain ng bawal. Kagaya ng maaalat at matataba. Kung bakit ‘yong bawal ang masarap.
TUWINA’Y NAALALA ko ang aking cursillo days sa Pagsanjan, Laguna, tatlong dekada na ang nakararaan. Very deep spiritual experience at habang dumadaan ang taon, lalong yumayaman ang alaala. Awitin ng De Colores at Mañanita, daily rosaries, rollos at ultreya – mga alaala nito ang nagbibigay-buhay at lakas sa aking katandaan. Diyos ang tuwina’y naghahanap sa atin. Totoo. Kaya paborito kong parable ang “Prodigal Son”. At paborito kong spiritual picture ay ang Mahal na Hesus yakap ang isang nawawalang tupa. Sa ating orihinal na kasamaan, manalig sa walang katapusang awa ng Diyos.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez