SIMULA NGAYONG araw, ang WANTED SA RADYO ay pansamantalang mapakikinggan sa time slot na 12:30nn – 2:00pm sa 92.3 fm (Radyo5). Ito ay matutunghayan sa oras na ito tuwing Lunes hanggang Huwebes. Pero pagsapit ng Biyernes – day off ng impeachment proceedings – ito naman ay muling mapakikinggan sa dati nitong oras na 2-4 pm. Ang pansamantalang pagbabago sa time slot na ito ng WSR ay bilang pagbibigay daan sa media coverage sa nagaganap na impeachment sa Senado.
Ang pagbabalik sa regular na time slot ng WSR ay magaganap pagsapit ng February 27, Lunes, kung saan inaasahan na tapos na ang impeachment sa Senado.
Nais pa ring ipabatid ng WSR na bagamat magkakaroon ng pansamantalang adjustment sa time slot nito, wala pa ring pagbabago sa pagbibigay-serbisyo sa action center nito, Lunes hanggang Biyernes, 8am-4pm. Ang action center ng WSR na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Barangay South Triangle, Quezon City.
Sa mga hindi makapunta sa action center ng WSR ngunit nais makipag-ugnayan dito para sa kanilang mga sumbong at reklamo, magtext sa 0917-7-WANTED.
SIMULA RIN sa araw na ito, ang T3 (Kapatid Sagot Kita) ay mapapanood sa bago nitong time slot sa TV5 na 5:00-5:45pm, Lunes hanggang Biyernes. Ito ay naiurong mula sa time slot na 5:30-6:00pm. Mapapansin na ito ay nadagdagan ng 15 minutes na running time. Ito ay bilang pagbibigay-daan na rin sa kahilingan ng maraming manonood na pahabain pa ang oras ng T3 dahil sila raw ay nabibitin.
Pero hindi lang pagbabago sa time slot at pagpapahaba sa oras ang magaganap sa T3. Madadagdagan din ito ng mga kasong tatalakayin tulad ng mga expose, sumbong/reklamo, rescue operations at feature story ng mga pangkaraniwang mamamayan na kapuri-puri ang mga katangian. Ang suma total nito ay isang programang punung-puno ng tapang, pero may puso.
Para sa mga nais namang makipag-ugnayan sa T3, maaaring mag-text sa hotline nito na 0918-9-T3T3T3. At sa mga gusto namang personal na dumulog sa T3, maaaring pumunta sa himpilan ng TV5 sa 762 Quirino Highway, Novaliches, Quezon City.
MAMAYA SA bagong time slot ng T3, buwena manong expose ang tungkol sa isang hotel sa Metro Manila na ang lobby ay madalas gawing tambayan ng mga menor de edad na dalagita na nagbebenta ng kanilang mga murang katawan sa mga parokyano sa halagang P600.00 pataas.
Nakunan ng spy camera ng T3 ang mga nagaganap na aktwal na iligal na aktibidad sa nasabing hotel sa pamamagitan ng isang asset.
Ang mga staff ng naturang hotel ay nakikipagsabwatan sa mga bugaw ng mga dalagita at mga parokyano at pinagagamit ang ilang kuwarto ng nasabing hotel para parausan.
Napag-alaman ng asset ng T3 mula sa isa sa mga staff ng naturang hotel na isang sikat na congressman umano ang protektor ng nasabing iligal na gawain.
Sino si congressman? Abangan!
NAIS KONG ipabatid sa lahat na wala akong binuksang TWITTER ACCOUNT. May tatlong account sa twitter nga-yon na ginagamit ang aking pangalan at larawan, ito ay mga peke.
Nais kong idagdag na wala rin akong FACEBOOK ACCOUNT. At panghuli, wala akong balak na magbukas ng Twitter o Facebook account kailanman.
Shooting Range
Raffy Tulfo