No Big Deal

NOONG MIYERKULES ng umaga, January 4, 2012, habang naghahanda ako sa newsroom para sa BALITAANG TAPAT, bigla na lamang nagtatatakbo ang isa sa mga news editor at natataranta. Pasigaw na inanunsiyo niya na magsisimula na ang news conference na patawag ni Vice President Jejomar Binay sa ilang saglit. At may nakaantabay nang news crew roon para sa isang live coverage.

Ito ay kaugnay sa ginawang pag-ayos ni Binay sa dalawang pamilya na parehong may kamag-anak na OFW sa Saudi Arabia. Ang isa ay pamilya ng nakapatay samantalang ang isa naman ay pamilya ng napatay.

Dahil nagawan ni Binay ng paraan na magkapatawaran, hindi na matutuloy ang pagbitay sa OFW na nakapatay at kaugnay rito, magbibigay ng blood money ang mga kamag-anak nito sa mga kamag-anak ng namatayan upang tuluyan nang mabasura ang kaso – na sa aking pakiwari, sa pera ng gobyerno manggagaling ang blood money.

SINABIHAN KO ang news editor na hindi niya ipapasok sa BALITAANG TAPAT ang nasabing istorya at sinabi ko rin na sa halip, magpasok na lamang ng karagdagang istorya hinggil sa mga biktima na nasalanta ng bagyong Sendong.

Halos manlisik ang kanyang mga mata at hindi makapaniwala sa aking sinabi. Ilang segundo rin siyang nakatitig sa akin at animo’y gimbal na gimbal dahil nais kong barilin – para sa kanya – ang isang puputok na napakalaking istorya sa mga oras na iyon at kami ay maiiskupan ng lahat ng network.

Sinabi ko sa kanya na no big deal ang istoryang kanyang ikinatataranta. At sabay na ipinaliwanag ko sa kanya ang dahilan kung bakit. Kinausap ko rin ang aming executive producer para makasiguro, at sumang-ayon din naman ito.

IPINAALALA KO sa executive producer na maraming buwan na ang nakararaan, isang pamilya ng OFW sa Kuwait ang dumulog sa ITIMBRE MO KAY TULFO – isang segment ng BALITAANG TAPAT.

Nakapatay ang kanilang kamag-anak ng katrabahong Pakistani at ito ay nasentensiyahan nang mabitay. Pero nagawan nila ng paraan na makausap ang pamilya ng Pakistani at napapayag nila ito na patawarin ang kanilang kamag-anak kapalit ng blood money – na kapag ikinombert sa ating currency ay magkakahalaga ng isang milyong piso. Sa kasunduang iyon, kailangan agad maibigay ang blood money kung hindi ay maibabalik sa death row ang kamag-anak nila.

Nilapitan namin ang tanggapan ni Vice-President Jejomar Binay. Wala raw silang maitutulong sapagkat wala raw nakalaan na budget ang kanilang tanggapan para sa ganu’ng klaseng problema.

Sunod na nilapitan namin ang tanggapan ni Sen. Manny Villar. Pero tulad sa tanggapan ni Binay, ganu’n din ang isinagot sa amin. Nilapitan din namin ang DFA, POEA at OWWA ngunit pare-pareho ang kanilang mga kasagutan.

Matapos naming maibigay ang masamang balita sa nasabing pamilya, humahagulgol ang mga ito sa sobrang sama ng loob sa ating mga taga-gobyerno.

HINDI UMIIMIK ang aking executive producer pero batid kong pareho ang aming iniisip na ang mga pulitiko ay tutulong lamang kapag may malaking kapalit – kung sila ay labis na sisikat. Ayokong maging parte sa pang-uuto ng mga pulitiko sa sambayanan para maisakatuparan ang kanilang agenda. Kung tutuusin ang ginawa ni Binay noong nakaraang Miyerkules ay kayang-kayang gawin ng isang barangay chairman sa isang liblib na barrio sa kabundukan ng Tawi-tawi basta’t sapat lamang ang pang-areglong blood money. At hindi na kailangan pang i-cover ng national media!

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleGustong Mapawalang-Bisa ang Kasal
Next articleDapat sabay tayo!

No posts to display