HABANG ANG lahat ay abala na sa paghahanda sa pagdating ng araw ng Pasko o ang “Noel” ng Simbahang Katolika, may kakaibang konsepto naman ng “No-El” ang Commission on Elections (COMELEC). Ito ang “no elections” (No-El) daw sa 2016 kung magkakataon. Ito ay dahil sa inilabas ng Korte Suprema na Temporary Restraining Order (TRO) bunsod ng petisyong idinulog ng mga makakaliwang grupo, mga organisasyon ng mga kabataan at maralita.
Sa bisa ng TRO ay ipatitigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng “no bio, no boto” policy ng COMELEC sa darating na eleksyon sa 2016. Ipinupunto ng TRO ang paglabag sa karapatan ng mga tao para makaboto dahil sa hindi papayagan ng COMELEC ang mga botanteng bumoto na walang biometriko sa pagsapit ng eleksyon sa Mayo 2016.
Pinapasagot ng Korte Suprema ang COMELEC sa petisyong ito. Pagkatapos sumagot ng COMELEC ay magdedesisyon ang korte kung tuluyan na ngang ibabasura ang “no bio, no boto” policy nito.
Sa isyung ito nakataya ang mahigit pang 2 milyong botanteng mapagkakaitan ng karapatang bumoto kung sakali. Ang hiling ng marami bilang isang compromise agreement ay baka puwede naman daw mag-extension para sa pagpapakuha ng biometriko sa susunod na taon. Marami pa kasi ang hindi nakapagpakuha ng biometriko noong magsara ang tanggapan ng COMELEC nitong November. Ngunit isang malamig na “hindi” ang tugon ng COMELEC sa pakiusap na ito.
IDINADAHILAN NG COMELEC ang mahabang panahong ibinigay nila sa mga tao para makapag-biometriko. Isang taon at kalahati umano ang ibinigay na palugit para makapagpa-biometriko ang mga botante. Sapat na umano ito para matapos ang biometriko para sa lahat ng kuwalipikadong makaboto. Ngunit, sapat nga ba ang panahon na iyan? Papaano mo ba malalaman kung sapat nga ang panahon para sa pagkuha ng biometriko?
Hindi ako sumasang-ayon sa ginawang sukatan ng COMELEC para sabihing sapat na panahon ang isa at kalahating taon. Wala naman kasi sa dami ng mga expected voters ang parametro para masabi na sapat ang panahon na ibinigay nila. Maraming mga salik para maisagawa ang pagkuha ng biometriko ng mga botante at hindi lamang ang bilang ang dapat nilang kinonsidera. Ang kalidad ng serbisyo ng COMELEC sa pagkuha ng biometriko ay dapat una sa mga salik na ito.
Hindi rin naman kasi mabilis ang sistema nila sa pagkuha ng biometriko ng mga botante. Kung napasyalan ninyo ang mga malls at iba pang ginawang satellite office ng COMELEC para rito nitong mga nakaraang buwan, umaapaw sa dami ang mga tao.
Hindi rin lahat ng nagpunta sa tanggapan ng COMELEC ay nakapagpakuha ng biometriko dahil hindi rin nakayanan ng mga manggagawa ng COMELEC na ubusin ang mga taong nakapila. Natural lang na ang mga nagpunta at hindi nakapagpa-biometriko ay nagalit at nawalan na ng loob.
ANG MGA pag-apaw ng tao sa mga tanggapan, satellite station, at malls ang dapat naging basehan ng COMELEC para masabing hindi pa sapat ang panahon. Dapat ay gumawa sila ng hakbang para habaan pa ang araw upang makuhanan ng biometriko ang mga hindi pa nakuhanan na botante.
Hindi dapat nagmatigas sa pagbigay ng extension sa pagkuha ng biometrics ang COMELEC at sa huli ay sasabihin nila na “no bio, no boto”. Karapatan ng bawat Pilipino ang maka-boto kaya hindi nila ito dapat ipagkait sa tao.
Nasasaad ang karapatang bumoto sa ating Saligang Batas kaya hindi maaaring sabihin ng COMELEC na “no bio, no boto”. Kahit pa gamitin ng COMELEC ang Republic Act na naipasa noong 2013, hinggil sa pag-uutos na dapat ang lahat ng botante ay may biometriko, hindi ito sasapat para matabunan ang karapatang makaboto.
Masyadong teknikal ang isyu ng “no bio, no boto” dahil sa isang uri lang naman ito ng “upgrading”sa sistema ng eleksyon. Dahil teknikal ito ay maaaring ipagpaliban ang pagpapatupad nitong “no bio, no boto” para matuloy ang isang malayang botohan na hindi pinagdududahan ng tao at may kredibilidad.
Minsan na ring hindi nakasabay ang COMELEC sa isang teknikal na bagay sa pagpapa-modernize ng eleksyon at ito ay ipinag-uutos din ng batas. Ang tinutukoy ko ay ang batas noon na gawing computerize ang sistema ng pagboto at pagbilang ng boto.
Ngunit, gaya ng inaasahan ay hindi agad ito naipatupad ng COMELEC dahil sa napaka-teknikal nito. Umabot sa halos sampung taon bago pa naipatupad ang batas na ito ngunit kahit minsan ay hindi naapektuhan ang karapatang bumoto ng mga tao.
Nangangahulugan lamang na maaaring ipagpaliban ng COMELEC ang batas na nagsasabing dapat ay may biometriko ang mga botante kung ang realidad ay hindi pa talaga nakuhanan ng COMELEC ng biometriko ang lahat ng botante. Maaari naman talagang matuloy ang eleksyon sa 2016 kahit hindi muna sundin ang policy na ito.
DAPAT AY isipin ng COMELEC na mayroong mahigit 2 milyong botante pa ang walang biometriko at hindi nila maaaring balewalain ang karapatang makaboto ng mahigit 2 milyong Pilipinong ito. Pagiging bukas ang isip lamang ang solusyon dito. Mas magiging kaduda-duda at walang kredibilidad ang eleksyon sa 2016 kung hindi mareresolba ang isyung ito.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo