KAMAKAILAN LANG, nagdiwang ang buong mundo sa malaking reporma at pagbabago na inanunsyo ng Presidente ng Estados Unidos na si Barack Obama, kung saan kanyang pinatupad ang same sex marriage sa 50 states ng Amerika. Laking tuwa ang naibigay nito sa buong LGBT community dahil kikilalanin na ng Amerika ang kanilang pagmamahalan.
Nang araw nang inanunsyo ito, tuluy-tuloy ang buhos ng suporta ng mga tao galing pa sa iba’t ibang bansa. Mga kulay ng rainbow ang naging simbolo ng suporta na may kasamang hashtag #LoveWins. Nakisabay rin ang Facebook sa pagsuporta sa #LoveWins dahil nagkaroon sila ng application kung saan ang mga taong sumusuporta at masaya sa nasabing reporma, puwede nilang gawing kulay rainbow ang kanilang profile pictures.
Kitang-kita rin sa mga social media sites gaya ng Facebook, Twitter, at Instagram ang pagsuporta ng mga bagets sa #LoveWins. Ito ang isa sa mga okasyon kung saan nagkaisa ang karamihan, iba-iba man ang lahi sa buong mundo.
Kinabukasan nga, hindi pa rin maka-move-on sa saya ang lahat. Katunayan, kanya-kanyang selebrasyon ng #LoveWins ang ginanap sa iba’t ibang bansa. Kinabukasan na kinabukasan din, maraming nagpakasal agad-agad sa mga LGBT couples.
Masaya ako sa mga nangyayari sa paligid natin dahil nakikita ko ang pagbunga ng maturidad sa mga tao. Masaya ako sa para sa mga kaibigan nating nasa LGBT community, pero halo pa rin ang aking damdamin kung ako ba ay pro o anti-same sex marriage. Pero ang mahalaga, masaya ako para sa kanila.
Ang hindi lang nakatutuwa sa mga pangyayari ay ‘yung mga taong makikitid ang utak at ginagamit pa ang Diyos sa pagsumpa sa mga kabilang ng LGBT community. Wala namang masama sa pagbahagi ng opinyon. Wala namang magagawa kung pro o anti ka sa nasabing same sex marriage.
Wala rin namang masama kung pro ka o anti ka, kasi magkakaiba naman tayong lahat ng paninindigan. Pero ang masama ay ‘yung pagbatikos mo sa iyong kapwa, idadamay mo pa ang Diyos. Mayroon pa nga akong nabasa na kampon ng kadiliman daw ang kung sinuman na magpapakasal sa kapwa lalaki o kapwa babae. May nakita pa nga akong posts kung saan may nagsasabi na huhusgahan ng Panginoon ang mga pro sa same sex marriage, parurusahan sila sa langit, at marami pang iba.
Ang masasabi ko lang, “juice colored!” Sa mga nagpo-post ng nabanggit ko, sa tingin n’yo ba, mabuti na kayo niyan? Sa tingin n’yo ba, kakampi sa inyo ang Diyos? Sa tingin n’yo ba, masaya ang Diyos sa ginagawa ninyo? Sa tingin n’yo ba, nakatutuwa kayo? Sa tingin n’yo ba, magaling na kayo niyan? At sa tingin n’yo ba, nakatutulong ang mga mungkahi ninyo?
Alam n’yo, sa tingin ko, dapat pinag-iisipan nang mabuti ang bawat salita na ating binibitawan. Kahit kailan hindi tayo binigyan ng karapatan manghusga sa kapwa. Tutol ka man o hindi, maging masaya tayo para sa kanila. O kung wala kang magandang sasabihin, manahimik ka na lang. No hate just #LoveWins.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo