PAGKATAPOS NG anim na buwan, naikasa na rin ang tourism campaign slogan ng Department of Tourism (DOT). “It’s fun in the Philippines” ang buong pagmamalaking pahayag ni DOT Sec. Ramon Jimenez.
Umani ng papuri at batikos ang slogan. Nahukay pa na ito ay ‘di orihinal. Kinopya sa tourism campaign ng Switzerland nu’ng 1951. Wika ng pumuri, maganda raw ito sapagkat simple. Habang sinusulat ito, wala pang opisyal na reaksyon ang Palasyo.
Sa aking pananaw, no big deal ang slogan isyu. Makabubuti kung ‘di na pinalitan ang “WOW Philippines” ni dating senador Dick Gordon. Obra maestra at nag-excite sa buong mundo.
Sa aking paboritong coffee shop sa Greenhills, ‘di iilang salbahe ang nag-komento. Bakit di subukan ang ganitong slogans: “Bawal umihi dito,” o “No ID, no entry”. Hik! Hik! Hik! Why not?
Sa totoo lang, kahit anong catchy slogan ay ‘di lubos na makatutulong sa pagsulong ng turismo. Higit na kailangan ay improvement ng ating infrastructure facilities at stable peace and order. Mga embahada sa labas ng bansa, dapat ma-maximize ang tulong. Kailangang maglatag ng comprehensive at sustainable program. ‘Di patchwork o ningas-kugon.
Ang Singapore ay walang maipagmamalaking rich natural resources. Subali’t ang tourism ay top industry ng bansa. Gayon din ng Bangkok, Thailand at Vietnam. Mabalik tayo sa slogan. Sang-ayon ang apo ko sa “No ID, no entry”. Wika niya: “Lolo, sa lahat ng sulok, ito nakasabit. Dapat lang, ‘di ba?”
SAMUT-SAMOT
ISANG FEMALE radio-TV anchor sa Channel 2 ay puno ng ceiling fans sa ulo. Kung mag-kumento sa mga isyu, akala mo siya ang pinakamadunong. Sobrang mag-pontificate kahit sa legal isyus sa daratal na Corona impeachment.
Samantala isang male TV host ng nasabing Channel ay sobrang over-acting at puro negatibo binubuga ng bunganga. Very depressing experience makinig sa araw-araw niyang programa. Hoy, gising!
KALUNGKOT-LUNGKOT ANG sitwasyon ni former Comelec Chair Ben Abalos. Bukod sa kanyang lumulubhang karamdaman – bleeding peptic ulcer at weak lungs – sinampahan pa siya ng dalawang plunder cases. Malabong mabigyan siya ng bail. Si Abalos ay 77 anyos. Dating alkalde at judge, mahigit na 3 dekada siyang naglingkod sa bayan. Malungkot na sinapit niya ang mga ito sa katandaan.
SA GITNA ng malagim na kalamidad, isang kabayanihan ang namukadkad. Sa Compostela Valley landslide, isang alagad ng batas ang ‘di inalintana ang panganib at nagligtas sa tiyak na kamatayan ng 16 na tao. Ganitong uri ng kabayanihan ang kailangan ng bayan. Maraming ganitong uri ng pagmamahal sa kapwa ang araw-araw na nangyayari. ‘Yon lang ‘di nalalathala sa pahayagan o nababalita sa radio-TV. Dahil tri-media ay naka-focus sa negatibo – patayan, intriga, krimen. Dapat reassess ng tri-media ang kanilang values at misyon ng pamamahayag sa publiko. Sila ay dapat maging puwersa ng positibo, hindi intriga at lagim.
LUBOS NA nababahala ang mga mamamayan ng San Pablo City, Laguna, sa crime wave sa siyudad. Halos araw-araw ay may krimeng nagaganap. Sa loob ng tatlong buwan, 6 na barangay captains ang napatay. Wala pang solusyon sa krimen. Ang kasalukuyang alkalde ng lungsod ay pitik-bulag sa pangyayari. Wala raw natupad kundi pagsasabong at mag-liwaliw abroad. Bilang taal na taga-lungsod, nababahala ako. Paging DILG!
SABI NI dating Budget Secretary Ben Diokno, ang isang dahilan ng economic slowdown ay ang tinaguriang underspending ng pamahalaan. Ayaw gumastos sa infra at iba pang proyekto that will trigger economic productivity dahil sa corruption. Payo ni Diokno, the government should “bite the bullet” and go ahead . Maraming anti-corruption safeguards ang maaaring gawin.
BAKIT MINDANAO ang pinupuksa ng mga kalamidad? Sabi ng mga supertitions, dahil daw sa walang katapusan giyera ng mga rebelde. Ayon sa iba, nagbubunga na ang lagim ng illegal mining at pagkakalbo ng bundok o ‘di pag-aalaga sa kapakanan ng kalikasan. Panahon na upang pamahalaan ay maglatag ng sustainable preservation sa kalikasan. Problema, ningas-kugon lang ang atensiyon sa problema. ‘Pag nagpahinga sandali, ang mga kalamidad, nakalimutan na. Talk about obnoxious Pinoy mentality!
UMUUGONG ANG balita na top comedy and TV host Vic Sotto ay sasagupain si Q.C. Mayor Bistek sa 2013 eleksyon. Aba, bagong development ito! May dapat ikatakot si Mayor Bistek. ‘Di matatawaran ang masa popularity ni Bossing Vic. Abangan ang magandang laban!
ITINUTURING NA pinakamaduming airport ang NAIA sa buong mundo. Kung gayon, paano maisusulong ang turismo? Wika ni DOTC Sec. Mar Roxas sa 2014 pa matatapos ang renovation at modernization ng airport. Kailangang i-fast track. Napakabagal tayong kumilos. Ang dating war-torn Vietnam ay isa na sa ten top tourist destinations sa Asia-Pacific. Pampito lang tayo.
Tila overrated ang bagong DOT Chief Ramon Jimenez. ‘Pag conceive lang ng campaign slogan ay inabot ng anim na buwan. Wala pa ring new impact projects. Kailan pa?
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez