TOTOO PO ba na bawal nang mag-apply para magtrabaho sa abroad ang mga illiterate o “no read, no write”? Nag-aalala po ako, kasi hanggang Grade I lang ako at hindi pa ako ganoon kahusay magbasa at magsulat. — Dinia ng Olongapo City
WALA PA namang ganitong patakaran ang ating pamahalaan. Sa ngayon ay maaari pa ring mag-OFW kahit ang mga “no read, no write”.
Maaaring ang tinutukoy mo ay ang panukala ng Philippine Association of Service Exporters, Inc (PASEI) na hindi na dapat i-deploy sa abroad ang mga illiterate. Maganda naman ang layunin ng PASEI rito. Nangyayari kasi na may mga aplikante tayo na hindi man lang nauunawaan ang kontratang kanilang nilalagdaan. At pagdating sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan, hindi rin nila nauunawaan ang mga instructions sa workplace. Layon ng PASEI na bigyan ng proteksiyon laban sa abuso ang ating mga kababayan, lalo na ang mga domestic worker.
Ngunit tinututulan ito ng ilang NGO dahil ito raw ay diskriminasyon laban sa mga mahihirap. Anila, kaya nga nagtatrabaho sa abroad ay dahil mahirap sila at walang pagkakataon dito para sa mga di-nakapag-aral. Gobyerno raw ang dapat managot kung bakit illiterate ang ating mga kababayan.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo