NAKA-CHAT NAMIN SA Facebook ang direktor na si Wenn Deramas. Naging kontrobersiyal doon ang paghahantad ni Direk na gagawa raw siya ng matinding desisyon. Ang nagbunsod nito sa kanya ay ang hindi na niya matagalang sitwasyong kinakaharap na may kinalaman sa kanyang propesyon.
Sa pag-uusisa namin, ipinagtapat ni Direk na kumuha na siya ng manager. Kinausap daw siya ni June Torrejon nang malaman ang kanyang problema. Gumawa ng ganitong hakbang si Direk Wenn dahil nakaaalarma na raw na pagkatapos ng Dyosa, wala nang naging matinong follow-up para sa isang regular na trabaho sa ABS-CBN.
“Magsi-six months na akong walang regular na trabaho, dapat lang na kumilos ako. Marami akong binabayaran, at hindi ako ang tipo ng empleyado sa ABS-CBN na kahit hindi magtrabaho, eh, susuweldo,” himutok ni Direk sa aming Facebook chat.
Sabi nga namin kay Direk, parang nakapagtataka dahil hindi namin namamalayan na wala siyang pinagkakaabalahan sa Dos, lalo na’t nakagawa pa siya ng box-office hit na BFF (Bestfriends Forever) sa Star Cinema.
“Ang sa akin ay ang regular na trabaho. Matagal din akong hindi nagrereklamo. May ibinibigay sa akin, ‘yung kay Judy Ann (Santos) na Habang May Buhay, ‘yung narserye. Pero sa hindi malamang kadahilanan, urong-sulong ang taping.
“Doon ko na-realize na kung hindi ako kikilos, walang mangyayari,” sabi pa ni Direk.
Nangangahulugan kaya na pinababayaan na ng ABS-CBN ang isa sa kanilang box-office directors?
“Ayokong isipin na ganoon dahil wala naman akong pinanghahawakang kontrata, kaya siguro. Kasi, ang dating nagma-manage sa akin, si Deo Endrinal, pero buhat nang siya na ang mahirang na VP (Vice-President) ng ABS-CBN, binitiwan na niya ako,” sabi pa niya.
Sa kasunduan nila ni June Torrejon, ipinauubaya na lang ni Direk dito ang lahat sa career niya bilang director.
“Parang nanay ko na kasi ‘yun,” sabi pa niya tungkol kay Manay June. “Kaya kung ano ang maibibigay niyang trabaho sa akin, tatanggapin ko. Kahit mangahulugan ‘yun na makapagtrabaho ako sa ibang networks. Open na ako sa ganoon, basta bahala na ang manager ko roon,” sabi pa ni Direk.
Hindi kami magtataka kung makakuha ng trabaho si Manay June sa GMA-7 for Direk Wenn, the same way na nakapagsasara ng deals si Manay June para sa isa pang direktor na mina-manage niya, si Maryo J. delos Reyes.
Tingnan na lang natin kung ano ang mga susunod na mangyayari.
ISA SA MGA nakikisimpatya kay Katrina Halili ay si Biboy Ramirez. Sa Facebook interview namin kay Biboy, hindi siya nangiming magpahayag na nagngingitngit siya kay Dr. Hayden Kho dahil sa kalapastanganang ginawa nito kay Katrina kaugnay ng controversial video scandal.
“Dapat siguro, huwag siyang lalabas ng bahay na walang bodyguard. Ako nga mismo, nagngingitngit sa ginawa niya,” nasabi pa ni Biboy.
Hindi kami magtataka na lalong lumalakas ang loob ni Katrina dahil marami talaga ang lantarang nakikisimpatya na sa kanya. Maski ang organisasyon ng mga movie scribe, ang Entertainment Press Society, Inc. (ENPRESS) ay naglabas na ng statement condemning the injustice done on Katrina.
Calm Ever
Archie de Calma