USAP-USAPAN ANG hindi pagdalo ng nag-iisang Master Showman si German Moreno sa birthday celebration ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor na ginanap sa Meralco Theater na hatid ng TV5. May mga kapatid sa panulat ang naglitanya ng, “Naku wala si Kuya Germs sa birthday celebration ni Ate Guy! Baka gumanti, kasi hindi dumalo si Ate Guy sa 50th Anniversary nito.”
Kaya naman nang tanungin kami ng iba pang kapatid sa panulat kung bakit nga wala si Kuya Germs sa mahalagang araw ng ating Superstar, sinabi namin na nasa Amerika pa si Kuya Germs kasama ang kanyang alagang si Jake Vargas, kung saan nag-taping ng ilang episodes ng Pepito Manaloto.
Dagdag pa namin na knowing Kuya Germs, everytime na may special event si Ate Guy, hindi maaaring hindi ito dadalo. Dahil ganu’n ito ka-close at ganu’n nito kamahal ang Superstar. Nagkataon lang talaga na nasa Amerika ito nang ganapin ang birthday celebration ni Ate Guy, kaya naman hindi ito nakadalo.
“ANG MAG-BOLD na lang yata ang hindi ko pa nagagawa!” Ito ang naging pabirong sagot ng nag-iisang Superstar nang matanong kung may role pa ba siyang hindi nagagawa na gusto niyang gawin.
Sabay bawi na, “Nagawa ko na yata ‘yun sa Banawe, hahaha!” Natatawang pahayag ni Ate Guy sa espesyal na birthday celebration na ibinigay ng TV5 hosted by Arnell Ignacio.
Kitang-kita namin ang sobra-sobrang kasiyahan sa mukha ni Ate Guy sa pagdagsa ng mga taong nagmamahal sa kanya, mula sa kanyang pamilya, kaibigan at nakatrabaho sa industriya hanggang sa kanyang loyal supporters.
Ilan sa nagbigay ng production number sa kaarawan ni Ate Guy sina Nadine Samonte, Edgar Allan Guzman at Eula Caballero, at Vin Abrenica na sumayaw, habang umawit naman sina Jaya, John Rendez at Gerald Santos .
Nagbigay naman ng kanilang 60 Gifts ang loyal fans ni Ate Guy at bumati naman via video greetings sina Christopher de Leon, Dawn Zulueta, Erik Quizon, Gary Valenciano, Pilita Corrales, Judy Ann Santos, Ricky Lee at Boy Abunda.
Dito rin ginanap ang announcement ng bagong soap ni Ate Guy sa TV5 na pagsasamahan nila ng kanyang Ultimate Loveteam na si Tirso Cruz III na pinamagatang When I Fall In Love na ididirehe ni Joel Lamangan, at ng bago nitong indie film na Ang Kuwento ni Mabuti ni Mes de Guzman.
KAHIT ANONG pilit ng mga kapatid sa panulat na kunan ng pahayag si Raymart Santiago patungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanyang asawa na si Claudine Barretto sa kapatid nitong sina Marjorie at Gretchen Barretto, wala ni katiting na sagot mula rito.
Mas gusto na lang daw tumahimik ni Raymart para hindi na makadagdag pa sa issue ng magkakapatid na Barretto. At kahit nga ang tungkol sa kanilang dalawa ay sarado ang labi ni Raymart para magdetalye kung ano na talaga ang real score sa kanila.
Mas gusto na lang daw mag-concentrate sa ngayon ni Raymart sa kanyang negosyo at sa kanyang show na Home Sweet Home na kinagigiliwan ng mga manonood ‘di lang sa Pilipinas, kundi maging sa Amerika at Canada .
AFTER NG matagumpay ng solo shows ng Twitter Cutties na UPGRADE na kinabibilangan nina KCee Martinez, Ron Galang, Armond Bernas, Rhem Enjavi, Raymond Tay, Miggy San Pablo at Mark Baracael sa Isabela, muling hahataw ang mga ito sa kanilang show sa May 25 – Master Showman; Balic-Balic Fiesta; May 26 – Grand Music Palace Concert, Peta; May 29 – Montalban Town Center; May 31 – Neo Calapan Mall.
John’s Point
by John Fontanilla