NAGING MAINIT na naman ang usapan sa term extension ni PNoy nitong nakaraang linggo dahil sa pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Edwin Lacierda hinggil sa usaping “NOEL” o “No Election.” Ito ay naging sentro ng usapan noong banggitin ni Lacierda ang pahayag na “hintayin na lang natin kung sino ang iendorso ng Pangulo kung matutuloy man ang eleksyon.” Para sa marami ay maliwanag na bukas ang isip ng Palasyo sa posibilidad na hindi matuloy ang eleksyon sa 2016.
Marami ang nagsasabing tila isa na namang pagpapahiwatig ito ng administrasyong Aquino ng pagnanais na madugtungan pa ang termino nito. Ngunit sa aking pananaw ay isa lamang itong estratehiya ng administrasyong kasalukuyan kung paano sila pupuwesto sa 2016 election. Mahalagang-mahalaga para sa Pangulong Aquino ang makapagpanalo ng kaalyado upang tiyakin ang kanyang kinabukasan pagkatapos niyang bumaba sa puwesto.
Bukod sa sinabi niyang ang dapat pumalit sa kanya sa pagkapangulo ay kailangang maipagpatuloy ang kanyang nasimulan, iniisip din ni PNoy na baka gaya ng dalawang magkasunod na pangulo na sina Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo na kapwa nakulong sa mga kasong isinampa sa kanila, ay matulad siya sa mga ito. Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang mga dahilan kung bakit hindi ko nakikita ang posibilidad ng “NOEL” at bakit ko sinasabi na isa lang itong estratehiyang politikal.
NITONG NAKARAANG Lunes ay ginunita lamang ng buong bansa ang araw ng mga bayani. Ang kabayanihan ng ama ni PNoy na si Ninoy ay nag-uugat sa pakikipaglaban nito sa “Martial Law” at diktadurya noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos. Sa kabila ng kabi-kabilang pahayag ni Marcos na bababa siya sa pagkapangulo ay hindi ito pinaniwalaan ng noo’y Senador na si Ninoy.
Ibinunyag ni Sen. Ninoy Aquino ang tungkol sa plano at estratehiya ni Marcos na pagdedeklara ng martial law at pagpapatigil sa eleksyon upang manatili ito sa puwesto. Ito ay isang maliwanag na “NOEL” noong mga panahong iyon. Tama ang pag-analisa ni Ninoy sa mga pahayag ng administrasyon ni Marcos at nanatili ito sa puwesto sa loob ng mahigit 20 taon.
Hindi pa ito limot ng tao kaya’t alam na alam ng administrasyong Aquino na magkakagulo kung igigiit nito ang “NOEL”. Ano ang punto ng administrasyong Aquino sa mga pagpapahaging na baka magkaroon ng isa pang termino si PNoy? Ang sagot ay isa lamang itong estratehiya. Gumagawa sila ng isang “social anxiety” kung tawagin para ang mga tao ay makakita ng isang isyu ng diktadurya gaya ng kay Marcos.
KUNG BABALIKAN natin ang kasaysayan ay makikita nating magmula sa unang pangulo noong naitatag ang Republika ng Pilipinas sa taong 1946, kung saan si Manuel Roxas ang nanalo sa eleksyon, ay tag-isa-isa lamang ang termino at pagkaluklok sa pagkapangulo ng mga ito hanggang sa panahon ni Diosdado Macapagal. Tanging si Marcos lamang ang nagkaroon ng ikalawang termino at itinuturing pa sa kasaysayan na ito ang pinakamarumi at madugong eleksyon.
Takot at galit ang taong bayan sa isang pangulong may mahabang kapangyarihan. Pinatunayan din ito ng mga tao sa kaso ng mahabang taon sa kapangyarihan ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na umabot sa 9 na taon. Siya ang tanging pangulo na nagtala ng “negative rating” na pinakamababa sa kaysaysayan at ngayon ay patung-patong ang kasong hinaharap nito sa Sandiganbayan, kung saan ay kasalukuyan din itong nakakulong sa ilalim ng isang hospital arrest.
Kung baga sa sugat ay malalim pa ito at hindi pa naghihilom kaya naman kahit minsanang makanti lamang ang isyu ng “NOEL”, “CHA-CHA” at term extension, gaya ng isang malalim na sugat ay kagyat na sumisigaw sa sakit at hapdi ang taong-bayan. Maliwanag ito sa isipan ng bawat isang Pilipino, kasama na ang pangulong Aquino.
SA BANDANG huli ng termino ni PNoy at sa paglapit ng eleksyon ay isang “Noynoy” Aquino naman ang maglilinaw at gagamot sa “social anxiety” na ito. Patutunayan niyang mali ang mga kritiko nito at mga kalaban sa politikang nagsasabing walang eleksyon at planong pagpapalawig na termino nito. Ipakikita niyang siya, gaya ng kanyang ama na si Ninoy ay galit sa diktadurya. Muling magkakaroon ng mataas na “rating” si PNoy at tiyak na dadalhin ng kandidatong iendorso ni PNoy ang kanyang “popularity rating” upang matiyak ang pagkapanalo nito.
Ito ang etratehiyang kanilang niluluto kaya’t pirmi nilang binubuhay ang isyu ng “NOEL” “CHACHA” at term extension. Hindi ako naniniwalang babale-walain ni PNoy ang kabayanihan ng kanyang mga magulang na nagsulong ng demokrasya dito sa ating bansa. Isang magandang “set up” lamang ito para maipasok sa konteksto ang pagiging bayani rin ni PNoy gaya ng kanyang magulang sa pagtataguyod ng demokrasya at ito ay ang pagbaba sa puwesto at pagsuporta sa isang malinis na eleksyon.
Kung kaalyado ni PNoy ang mananalong pangulo ay maitutuloy nito ang mga proyektong nasimulan na ng Pangulo at matitiyak ang kaligtasan ni PNoy sa mga planong pagdemanda dito at pagpapakulong kung wala na siya sa puwesto. Seguridad sa susunod na kabanata ng buhay ni PNoy ang sa tingin kong pinaghahandaan na ngayon ng administrasyon. Ang buong istorya ng “NOEL” ay isa lamang estratehiyang politikal.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo