Dear Atty. Acosta,
NAGPAKASAL KAMI NG asawa ko noong Jan. 27, 2006 subalit hindi kami nag-appear sa ceremony. Wala rin po kaming witness. Kakilala namin ‘yung solemnizing officer. Siya ang nag-asikaso ng lahat pati ng marriage license. Nakarehistro ang aming kasal sa National Statistics Office (NSO). Itatanong ko lang po kung valid ba ang kasal namin kahit hindi kami dumalo sa mismong kasal? Ginagamit ko po ang apelyido ng aking asawa sa TIN, SSS, PAG-IBIG, at Philhealth ko. Ano po ba ang dapat kong gawin?
Lubos na gumagalang, – Andy
Dear Andy,
ANG KASAL AY isang panghabambuhay na kasunduan sa pagitan ng isang babae at isang lalaki, na sila ay magsasama sa hirap at ginhawa. Isa itong espesyal na kontrata, kung saan ang mga karapatan at obligasyon na kaakibat nito, maging ang mga kailangan sa pagbuo at pagpapasawalang bisa nito ay sinasaklaw ng batas.
Bago maging legal at may bisa ang isang kasal, kinakailangang masunod ang mga hinihingi ng Articles 2 at 3 ng Family Code of the Philippines:
Art. 2. No marriage license shall be valid, unless these requisites are present: Legal capacity of the contracting parties who must be a male and a female; and Consent freely given in the presence of the solemnizing officer.
Art. 3. The formal requisites of marriage are: Authority of the solemnizing officer; A valid marriage license except in cases provided for in Chapter 2 of this Title; A valid marriage ceremony which takes place with the appearance of the contracting parties before the solemnizing officer and their personal declaration that they take each other as husband and wife in the presence of not less than two witnesses of legal age.
Ang pagkawala ng alinman sa mga unang nabanggit ay magiging dahilan ng pagkawalang-bisa ng isang kasal. (Art. 4, Family Code of the Philippines)
Ayon sa iyong sulat, hindi kayo dumalo sa se-remonya ng inyong kasal at wala rin kayong mga saksi. Walang hinihingi ang batas na partikular na uri ng seremonya ng isang kasal. Kinakailangan lamang humarap ang mga ikakasal sa isang o-pisyal na may kapangyarihang magkasal at mga saksi, at ipahayag na tinatanggap nila ang bawat isa bilang mag-asawa. Kung hindi ninyo naisagawa ang nasabing pagpapahayag sa kadahilanang hindi kayo dumalo sa seremonya ng inyong kasal, ikinalulungkot naming sabihin na walang bisa ang inyong kasal kung ito ang nais mong mangyari.
Kung hindi naman ay maaari kang maghain ng Petition for Declaration of Nullity of Marriage sa Regional Trial Court, kung saan ka naninirahan para mapawalang-bisa ang inyong kasal, kung ito ang nais mong mangyari. Kung hindi naman ay maaari ring muli na lamang kayong magpakasal ng iyong asawa at itama sa ikalawang pagdiriwang ang mga pagkukulang sa una ninyong kasal. Gayunpaman, maaari mo pa ring gamitin ang apelyido ng iyong asawa hanggang sa magkaroon ng desisyon ang hukuman ukol sa pagkawalang-bisa nito.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta