NAG-FIRST SHOOTING day na ang Superstar na si Nora Aunor para sa Taklub, ang nasulat na pelikulang gagawin ng aktres tungkol sa super typhoon na Yolanda at ang pagsalanta nito sa bansa.
Second film ito ni La Aunor under Cannes 2009 Best Director na si Brillante Mendoza, after ng kanilang internationally acclaimed film na Thy Womb.
Lumipad ang grupo nina Nora at Direk Dante (palayaw niya) patungong Tacloban City noong September 26, at kinabukasan ay nagsimula nang gumiling ang kamera.
Ayon sa isang source, pinagkaguluhan si Nora sa Tacloban City Hall nang mag-courtesy call ito, na bagama’t nasa abroad si Mayor Romualdez, magiliw namang sinalubong si Nora sa nasabing siyudad ng ibang local government officials.
Ang Taklub script ay mula kay Honee Alipio, at tampok rin sa main cast sina Julio Diaz, Lou Veloso, Ruby Ruiz, Glenda Kennedy, John Rendez, at mga local o natives ng Tacloban City na isa sa pinakanaapektuhan ng bagyong Yolanda.
A story of hope and survival ang takbo ng istorya, magkaroon man ng unos sa buhay ng Pinoy. Sampung araw ang ilalagi ng cast and crew roon, at pagbalik Pinas ni Mayor Romualdez ay mami-meet pa niya si Ate Guy.
Walang pagod si Nora sa paggawa ng mga makabuluhang pelikula.
After itanghal ang Hustisya sa Cinemalaya 2014 noong Agosto (kunsaan siya nagwagi bilang Best Actress sa Directors’ Showcase category) at currently showing naman ang kanyang Dementia sa mga sinehan, ayun at nagsimula na siya ng Taklub.
In the can pa rin ang dalawa niyang films – ang Padre De Familia with Coco Martin and Julia Montes (and more), pati na ang Whistle Blower naman with Cherry Pie Picache, Carlo Aquino, Laurice Guillen, etc.
Deadline ng MMFF New Wave submission, sa October 7 na
NGAYONG OCTOBER 7 na ang deadline ng pag-submit ng film entries para sa Metro Manila Film Festival, New Wave (o indie section).
Mas malalaking cash prizes ang naghihintay sa mga lalahok at mananalo ng best film, special jury prize, at acting awards, nagre-range ito ng 50,000 to 300,000 pesos.
Ang MMFF New Wave ay nasa ika-limang taon na, at inaasahang ito ang biggest year for the said indie section. After all, ito ay brainchild ng MMDA Chairman na si Francis Tolentino na naniniwala sa cause ng indie cinema sa ating industriya.
Ang apat na kategorya ay ang full feature, student shorts, animation, at cinephile.
Sa full feature category, exciting ito dahil napapansin na ang husay at galing ng Pinoy filmmakers sa international filmfests, at mostly ay indies ang nagre-represent sa ‘Pinas.
Ayon pa rin sa MMFF New Wave Festival Director na si Jose Mari Hilario, magkakaroon ng Red Carpet Night sa November 12 sa Resorts World Manila, kunsaan kikilalanin natin ang official entries.
Para sa mga detalye ng pagsumite ng entries, check out n’yo na lang ang Facebook Fan page ng event na ito, just search for MMFF New Wave. Meron rin itong Twitter and Instagram accounts for updates.
Horror Plus Filmfest sa SM Cinemas
MAY GAGANAPING Horror Plus Film Festival ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) ngayong October 29 sa SM cinemas nationwide, at tampok dito ang limang master filmmakers.
Ito ay sina Peque Gallaga-Lore Reyes (tandem), Gil Portes, Edgardo Boy Vinarao, at Romy Suzara.
T’yanak ang entry nina Gallaga-Reyes, tampok sina Judy Ann Santos, Solenn Heusaff, Sid Lucero, at Tom Rodriguez. Reboot ito ng original Tiyanak nina Gallaga-Reyes noong 1980s.
Hukluban naman ang entry ni Portes, isang gothic horror romance film na tampok ang new actors na sina Kiko Matos at controversial sexy star na si Krista Miller.
Sigaw Sa Kadiliman ang pelikula naman ni Suzara at nasa cast sina Regine Angeles, Richard Quan, Alvin Anson, and more.
Bacao naman ang film ni Vinarao, tampok sina Michelle Madrigal, Arnold Reyes, Marife Necesito, among others.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro