HINDI NAIWASANG MALUHA ng mga officers at members ng iba’t ibang fans club ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor sa naging anunsiyo ni Kuya German Moreno sa kanyang radio program sa DZBB 594KHZ, ang Walang Siesta na hindi na matutuloy ang pag uwi ni Nora Aunor ngayong Disyembre.
Ayon kay Kuya Germs nang makapanayam namin sa programa nito gustong-gusto ni Ate Guy na makauwi kaya lang, marami pa raw itong ginagawa sa Amerika.
“Nu’ng nakausap ko si Guy, ramdam na ramdam ko na gustung-gusto na niyang makauwi ng Pilipinas. Pero sabi nga niya, marami pa siyang dapat gawin bago umuwi ng bansa.
“Ayaw naman daw nitong umuwi na may iniisip na problemang naiwan niya sa Amerika, dahil hindi lang siya makakapagtrabaho nang maayos kung may ibang iniisip siya. Gusto raw nitong kapag umuwi sa Pilipinas, okey na ang lahat-lahat.
Ano ba ‘yung inaayos niyang problema sa US?
“Alam n’yo na ‘yun! ‘Yung tungkol sa nangyari sa boses niya. ‘Pag okey na raw ‘yun, sure na sure na uuwi na si Guy.”
May nakausap na ba kayong mga TV at movie producers para sasagot lahat ng pangangailangan ni Ate Guy?
“Meron na, natural Superstar ‘yun. Pero sa ngayon, ayoko munang i-reveal. ‘Pag okey na ang lahat at nakauwi na ng bansa si Guy. Tatlo lang naman ang kakausapin mo eh – GMA7, TV5 at ABS-CBN – ‘yun lang.”
Ikaw na ba ang magiging manager ni Ate Guy?
“Hindi naman, ako lang ‘yung nakikipag-usap , pero hindi ko iniisip na ako ang manager ni Guy.”
“Mas maganda kasi na nasa tabi ako ni Guy, para mas maging maayos ang trabaho niya sa kanyang pagbabalik,” pagtatapos ni Kuya Germs.
MAANGHANG ANG MGA naging pahayag ng Lord of Scents na si Joel Cruz sa kanyang presscon para sa grand launch at konsiyerto ng Pinay international star na si Charice Pempengco at Pure Energy Gary Valenciano bilang mga bagong endorser ng Joel Cruz Signatures, kung saan magkakaroon ng kanya-kanyang pabango ang 2 big stars na gaganapin sa January 08 , 2011 sa MOA Concert Grounds.
Tsika ni Sir Joel na, “Hindi porke’t pumunta ka ng Paris ng 2 buwan, perfumer ka na! Ang tunay na perfumer, may ilong sa pabango na kahit ilang pabango ang ipaamoy sa ‘yo, matatandaan mo. Bukod sa kailangan, bago mo ilagay ang pangalan mo sa pabango, dapat mabango ang pa-ngalan mo!”
Hindi man tuwirang tinukoy ni Sir Joel kung sino ang taong tinutukoy niya, maraming kapatid sa panulat ang humulang si Hayden Kho ito na may sarili na ring pabango. Ayaw raw ni Sir Joel na makipagkumpitensiya sa ibang brand ng pabango dahil pare-pareho lang naman daw silang nagnenegosyo. Pero hindi naman daw maganda na siraan siya at ang kanyang negosyo, dahil na rin sa nakarating na paninira sa kanya.
Ayaw na lang daw patulan ni Sir Joel ang mga negatibong ibinabato sa kanya. Mas gusto raw nitong pagtuunan ng pansin ang bongga at malaking launching at concert ng kanyang 2 pinakamalaki at bagong endorsers na sina Gary V. at Charice Pempengco. ‘Yun na!
PANAHON TALAGA NI Shalala ang taong 2010, dahil na rin sa taas ng ratings na nakuha ng kanyang life story na ipinalabas sa Star Confession ni Tita Cristy Fermin. Bukod pa rito ang kaliwa’t kanyang guestings ni Shalala sa mga shows ng TV5, kasama na ang 2 regular shows nito, ang Juicy at ang Talentadong Pinoy.
Ka-join din ang beauty ni Shalala sa pelikulang Si Agimat at Si Enteng Kabisote, at sa pagsipa daw ng 2011, magkakaroon na rin ito ng isang show na talaga namang magpapakita ng kanyang galing sa komedya sa TV5 at isang bonggang-bonggang radio program.
HINDI MASISIDLAN NG sobra-sobrang kaligayahan ang Shoutout Thursday group na si Ivan Dorschner dahil pinayagan siya ng ABS-CBN na makapagbakasyon ngayong Kapaskuhan. Kaya naman ang simpleng pangarap nitong makapagbakasyon sa Amerika at makasama ang kanyang pamilya ay matutupad na.
Any day from now daw ay lilipad na pa-Amerika si Ivan para roon maki-celebrate ng Christmas at New Year. Sobrang na-miss daw nito ang kanyang pamilya, dahil since naging artista raw siya, hindi na siya nakauwi pa sa Amerika. Kaya naman daw lulubus-lubusin nito ang kanyang bakasyon para makipag-bonding sa kanyang family at iparamdam sa mga ito kung gaano niya kamahal at na-miss ang kanyang mga mahal sa buhay.
John’s Point
by John Fontanilla