HINDI PUWEDENG diktahan si Nora Aunor ng kung sino-sino lang mga taong nagmamarunong sa showbiz. Patungkol ito sa mungkahi ng iba, na sana raw ay magpahinga na muna ang Superstar sa paggawa ng indie films, dahil hindi raw naman siya yayaman sa tipo ng ganu’ng mga pelikula na kanyang ginagawa. Bagkus, dapat daw ay muling makagawa ang mommy ni Ian de Leon ng mga pelikulang pang-mainstream, dahil matagal din naman siyang nag-reyna sa takilya noon.
Nag-reyna na nga noon si Nora sa takilya, kaya ibig sabihin ay naranasan na niya ang dumugin sa mga sinehan ang kanyang pelikula. Kaya ngayong uso ang indie films, na kadalasan ay “pakisamahan” lang ang budget, hindi pinapansin ng Superstar ang mga intrigang puro ganu’ng tipo na lang ngayon ng pelikula ang kanyang pinagbibidahan. Bagkus, ang dami-dami pang proyektong nakalinyang gawin ni Ate Guy sa mga panahong ito.
Kahit katiting at pakisamahan lang talaga ang budget sa paggawa ng indie films, hindi niyon puwedeng maliitin ang kalidad. Lalo na sa mga ginagawa ni Nora, dahil puro magaganda ang kanyang mga ginagawa. Maraming artista ang nangangarap na makagawa rin sila ng indie film na mapapansin sa sobrang ganda, pero hindi nila kaya ang mga nagawa ng premyadong aktres. Walang aktres ang makapapantay sa paraan ng Superstar sa kanyang pagpapatunay kung gaano niya kamahal ang sining ng paggawa ng pelikula.
ChorBA!
by Melchor Bautista