NAKAUSAP NAMIN si Boy Palma (manager ni Noa Aunor) at ikunuwento nito ang mga behind the scene sa Venice Film Festival. Ipinalabas pala sa nasabing festival ang classic film na Himala ng Superstar. “Pagdating namin sa hotel, may nag-advice agad sa amin. Ang sabi, ‘Ms. Aunor, you have to present the movie Himala for the screening tonight’. Hindi pa kami nakakapagpahinga, ngarag-ngarag kami, sixteen hours ang biyahe. Siyempre, si Guy, nag-make-up lang punta na agad kami sa theater. Siya ang nag-introduce ng movie in English, straight English. Ina-bot sa kanya ‘yung mic, makakahindi ba siya,” tsika niya.
Nang mismong awards night, present ang Italian critics na manonood ng pelikula ni Ate Guy. “’Yung audience, international, lalo na ang Thy Womb. We we’re surprise, nasa red carpet kami kikilabutan ka. Ang style nila, there’s 20 flags, 20 countries lang ang nakapasok. Kung sino ‘yung nagpalabas ng premiere night that night, inusog nila ‘yung bandila. So, makikita mo ‘yung Philippine flag gumagalaw siya habang naglalakad kami sa red carpet. Hindi namin alam na may mga Noranian palang taga-Rome. Nagpunta lahat sa Venice na may dalang pictures ni Guy na may Guy & Pip pa na dala-dala nila roon. Sinisigaw nila ang pangalan ni Ate Guy,” excited na sabi ni Kuya Boy.
Five days nag-stay sa Venice hotel ang grupo nina Kuya Boy, Ate Guy, Direk Brillante Mendoza, Lovi Poe at Mercedes Cabral. Maging sa hotel, dinadalan ng pagkain si Ate Guy ng kanyang solid fans. “Kasi, hindi masarap ang pagkain, walang kalasa-lasa. Minsan dinadalan kami ng longganisa, sinangag. Ayaw kumain si Guy na parang lugaw, ‘yun kasi ang kanin nila sa Venice. Tuwing bababa kami sa lobby, nand’yan ang fans, nagpapa-picture sila kay Guy,” nakututuwang kuwento pa ng manager ng Superstar.
Sa sobrang hectic ng kanilang schedule sa Venice, nasabi tuloy ni Kuya Boy, “Ngayon ako naniwala na jingle lang ang pahinga. Bawat country, kailangang pagbigyan mo. Ilang country ‘yun? May translator,nag-start ‘yun August 29, natapos ‘yun September 4. Pero dumating kami sa Venice September 4 up to September 9 kasi, September 8 ‘yung award.”
Sinabi pa ni Kuya Boy na muntik na pala nating makuha ang Best Picture sa nasabing prestigious award sa Venice. “Actually, ‘yung nanalo at ‘yung movie natin ang pinagpipilian. Walang judge na Filipino, puro European pero inunahan sila ng critics. Nanalo si Guy ng Critics Choice Award for Best Actress, ang “Premio Bisato D’Oro” (Golden Eel). Actually, ‘yung Bisato D’Oro award sa mga film or director. First time, in-award nila sa artista in 69 years na ngayon lang nagkaroon at Filipino pa ang nakakuha kaya magiging proud ka, ‘di ba?”
Nalaman din namin kay Kuya Boy na sobrang hirap ang dinanas ni Ate Guy habang ginagawa nila ang pelikula sa Tawi-Tawi ni Direk Brillante. “Nag-aral kasi si Ate Guy, nagkaroon ng immersion for 3 days. She tried to learn the habi and she tride to learn how to use the sagwan properly. Pati ‘yung pagpapaanak, komadrona. We we’re there in Bajao community at kung papaano siya maging Bajao. Sa movie, napakaraming ritual, ‘yung palang mga ritual may meaning pala lahat ‘yun. Like for example, nang ikakasal si Mercedes, ang babae bago ikasal paliliguan ng elders. Parang nililinis ‘yung virginity ba nu’ng babae. Ginawa ‘yun, pinapaliguan siya ni Ate Guy.”
Napag-alaman din namin, hindi pumayag si Ate Guy na matulog sa kuwarto na may aircon. Mas pinili pa nitong matulog sa sahig kasama ang buong production staff. “Ayaw niya ‘yung mga comfort ng life. Kung ano ‘yung ginagawa ng staff dapat siya rin ganu’n. Ayaw niyang binibigyan siya ng VIP treatment that is why, sabi ni Direk Brillante, ‘KuyaBoy, I know she’s good but I never thought she’s this good. My God, grabe!”
Ikinuwento pa ni Kuya Boy ang nakakatakot na eksena ni Ate Guy sa kalagitnaan ng dagat with Bembol Roco. “May eksena sa gitna ng laot, hindi pampang, sa Tawi-Tawi. Mahuhulog si Bembol sa dagat, hihilahin ni Guy para i-save ang asawa. Nu’ng kukunan na ang eksena, nang sinabi ni Direk na action, binaril si Bembol, nahulog sa dagat. Tumalon si Guy from the bangka para i-save si Bembol. Pagkatapos, sabi ni Direk, ‘bakit mo ginawa ‘yun, Guy?’ ‘Hindi ba sabi ninyo i-save ko ang asawa ko? Hindi naman puwedeng hilahin ko lang.’ Natakot kaming lahat baka may pating dahil malalim.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield