NANG MAKAUSAP namin si Ms. Nora Aunor, tinanong agad namin ang issue tungkol sa kanila ni Maribel Aunor kung bakit ito galit sa kanya? Inamin ng Superstar na may sama rin siya ng loob sa kanyang pinsang si Lala (palayaw ni Maribel). Matagal na pala silang may hidwaan, lalo pa itong tumindi nang ayaw pagamit ni Ate Guy ang ‘Aunor’ sa baguhang singer na anak ni Maribel.
Sa naging pahayag ni Maribel, sinabi nito na sila raw ang may karapatan gumamit ng Aunor dahil ‘yun ang totoo nilang apelyido, hindi si Ate Guy (Nora Villamayor). Sa totoo lang, kahit anong pangalan or apelyido ng isang baguhang singer or artista kapag may talent plus x factor ito, tiyak ang pagsikat. Hindi na kailangang maki-ride-on pa sa pangalan ng isang sikat. Ang masasabi ko lang, kung hindi kay Nora, hindi sisikat ang last name na Aunor. Nora Aunor, the Superstar.
Ayaw na sanang magsalita ni Ate Guy tungkol sa issue nila ni Maribel. Kaya lang, nagiging antipatika siya sa paniningin ng publiko. Wala sanang magiging problema kung naging maganda ang samahan nila bilang magpinsan. Ayon nga kay Nora, buong puso niyang tutulungan ang anak ni Maribel para maging isang sikat na mang-aawit kung naging maganda sana ang naging trato nito sa kanya. Kung ‘yung ibang tao nga natutulungan ng Superstar, sila pa na malapit nitong kamag-anak.
Kuwento nga ni Ate Guy, may ginawa raw na hindi maganda si Maribel sa kanya na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nalilimutan. Napag-alaman namin kung bakit biglang yumaman ang pinsan niyang si Lala. Panahon ‘yun ni Marcos , naimbitahan ang Superstar sa Malacañang Palace para mag-perform. Puro mga bigating tao ang pinapakilala sa kanya. That time, kasama niya bilang chaperon ang tatay ni Maribel. Ipinakilala niya ito kay Blas Ople na siyang in-charge sa pagbibigay ng permit, license sa mga talent agency na gustong magtrabaho sa Japan.
Walang kaalam-alam ang La Aunor na dumiretso pala ang tatay ni Maribel kay Blas Ople at ginamit nito ang pangalan ng Superstar para makakuha ng lisensiya. Agad namang binigyan nito ng license ang father ni Maribel by using the name of Ate Guy. Nalaman na lang niya ang balitang ito sa ibang tao pero nanahimik na lang siya. Ikinatuwa pa nga niya ang pangyayari dahil nakatulong siya na magkakaroon nang sariling negosyo ang pamilya ni Maribel.
Nang hapong ‘yun, nagbalik sa alaala ni Ate Guy ang ginawa sa kanya ni Maribel noong time na gipit na gipit at humingi siya ng tulong sa pinsan niyang si Lala. Umutang siya rito ng P250,000 dahil kinapos ang budget niya sa pelikulang Pacita M na si La Aunor ang producer. Oo nga’t pinautang naman siya ni Maribel. Pero ang masakit nito, nang dumating ang takdang panahon na kailangan na niyang bayaran ang pagkakautang, kahit anong pakiusap ng controversial actress kay Maribel na bigyan pa siya ng palugit para makabayad, deadma lamang ito.
Nang hindi na nga makabayad si Ate Guy sa takdang panahon, pinahatak agad ni Lala sa bahay niya ang nag-iisang sasakyang gamit-gamit niya bilang kabayaran sa inutang nito. Wala siyang nagawa kung hindi tanggapin ang kalupitang ginawa sa kanya ng pinsan niya si Lala Aunor. Ganu’n?
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield