SUNUD-SUNOD ANG mga pelikulang ginagawa ni Nora Aunor ngayon. Ang pinakabago nga ay ang Kabisera na idinidirehe ng baguhan pero mahusay na filmmaker na si Real Florido.
Kamakailan ay bumisita kami sa shooting ng nasabing pelikula sa Bulacan. Isa sa mga kinunang eksena ay ang tagpong walang dialogue si Nora at sa mata lang nito ipakikita ang nararamdamang lungkot hanggang sa unti-unti nang nangilid ang luha niya. Lahat ng tao sa paligid, napapalakpak pagkatapos i-shoot ng scene na iyon. At isa lang daw iyon sa maraming dramatic highlights ng Superstar.
Maihahalintulad ang husay ni Nora Aunor bilang aktres sa isang alak. Habang tumatagal ay aging to perfection, sabi nga.
“Hindi naman po!” reaksiyon ni Nora. “Ano lang ‘yon, lagi ko ngang sinasabi… isinasapuso ang bawat eksena. Lalo na ‘yong mga pinakaimportanteng eksena. Dapat talagang inilalagay sa puso para naipakikita o lumalabas na kusa ‘yong mga gusto mong iparating sa mga tao lalo na sa mga manonood.”
Ano ang role niya?
“Ako ay isang maybahay. Ang asawa ko rito ay si Ricky Davao na kapitan ng barangay at meron kaming mga anak. Pinatay ang asawa ko dahil napagkamalan na… huwag ko na lang kayang ikuwento kasi mawawala naman ‘yong suspense ng pelikula. Hindi ba?” sabay ngiti niya.
Wala siyang pahinga sa sunud-sunod na pelikulang ginagawa niya na madalas ang shooting ay mula umaga hanggang hating-gabi. Pero hindi raw siya nakararamdam ng pagod o kinukulang ng energy.
“Gusto ko kasi ‘yong ginagawa ko. Kapag gusto ko kasi ‘yong ginagawa ko, hindi ako marunong mapagod. Mula naman noong araw kapag gumawa ako ng pelikula, nando’n talaga ‘yong… kapag sinagutan ko ang isang pelikula na gagawin, talagang dapat na gawin mo kung ano ‘yong nararapat na gawin bilang isang artista.”
Marami na siyang nakatrabahong mga batikan at premyadong direktor. Pero ngayon, nagkakaroon siya ng pagkakataon na ang mga makasama naman ay mga bagong umuusbong na filmmaker.
“Magaling sila. Magaling sila. Gaya nga ni Direk Real (her director in Kabisera)… magaling. Actually dalawa sila ni Direk Boy Agustin, silang dalawa bale ang nagdidirek sa pelikulang ito. At saka si Direk Topel Lee. Tatlo sila actually.
“Maganda itong pelikula. Kasi ito ay hango sa isang totoong nangyari sa Batangas, ‘yong minasaker na pamilya. At kapag true-to-life ang pinag-uusapan natin, talagang ipinakikita natin kung ano talaga ang nangyayari. Kaya isang napakagandang istorya ito.”
Kasama rin sa cast ang anak niyang si Lotlot de Leon na gumaganap bilang abogadong tutulong sa kanya. Huling pelikulang ginawa nila together ay ang Pacita M several years ago.
How was it working with Lotlot again?
“Ay, naku! Alam mo naman ang anak kong ‘yon… siyempre excited din naman akong makasama siya sa katulad nito. Na maski na sandali lang kaming magkasama. Natutuwa naman ako sapagkat malaki na ang ipinagbago niya lalo na sa pag-arte.”
Award-winner na rin nga si Lotlot. Nanalo siyang best supporting actres para sa Kubot.
Ano ang napansin niya ngayon na naging pagbabago sa pagiging artista ni Lolot?
“Magaling siya. Naging seryoso lalo sa pag-arte.”
Kada pelikulang ginagawa niya, marami ang nag-i-expect na pang-award na naman ang kanyang acting. Nagdudulot ba ito ng pressure sa kanya?
“Hindi. Ako naman… basta ang sa akin kapag tinanggap ko ang isang pelikula, sigurado akong maganda. Maganda ‘yong gagawin ko. Iyon na ‘yon. Hindi ko iniisip kung nag-i-expect ako na manalo o ano. Kung pupuwede nga, ‘yong mismong ginagawa kong pelikula ang manalo ng maraming awards, masaya ako do’n.”
Sa dami na ng napanalunan niyang awards, sanay na siyang tumanggap ng acting trophy.
“Karangalan mo ‘yong habang tumatagal hindi natatapos ‘yong… kapag napapanood nila ‘yong mga pelikulang ginagawa mo ay nagiging inspirasyon lalo sa ‘yo. Na nagugustuhan ng mga manonood. Lalo na kung ito ay napapasali sa ibang bansa. Halimbawa, sa mga competition sa ibang bansa at nakapag-uuwi rin ng karangalan sa Pilipinas. Siyempre nakatataba ng puso iyon. Hindi lamang sa akin kundi sa lahat ng mga kasama ko mula sa direktor hanggang sa mga crew at sa staff. Lahat ‘yon, talagang maipagmamalaki sila. Dahil ibig sabihin no’n… pinagpaguran namin ‘yong pelikulang ginagawa namin,” huling nasabi ni Nora.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan