MAINIT NA pinag-uusapan ngayon ang statements ni PNoy kaugnay sa pagkaka-etsa-puwera niya kay Ms. Nora Aunor bilang National Artist. Naging viral na nga ang sinabi ng Presidente na hindi niya kinukuwestiyon ang kahusayan ni Ate Guy, pero ito raw ay convicted of drug use at naparusahan, hindi raw magandang role model.
Binasa naman namin ang mga comments ng netizens and halos lahat ay nag-agree sa sinabi ni PNoy. May mga bumabatikos pa rin sa Pangulo at sinasabing hindi naman santo ang hinahanap kundi ang National Artist. At lahat naman daw ng mga tao ay nagkakasala.
Meron din namang naiintindihan si PNoy. Isa pang taga-industriya ang nag-comment sa fb nito na tama raw bang ibigay ang National Artist recognition kay Mama Guy, gayong sakit daw ito sa ulo sa set, umiinom during work at pasaway pa.
Kami naman ay nakatrabaho na si Ate Guy sa isang drama anthology niya nu’ng araw sa TV5. At base sa aming experience ke Mama Guy eh, hindi namin siya malapitan nu’ng mga panahong ‘yon, dahil nagkukulong siya sa kanyang dressing room at pinapatawag na para kunan ang eksena ay ang tagal niyang lumabas. Ang sabi din sa amin ng isang staff ay nakainom si Mama Guy, pero nu’ng eksena na namin ay napakahusay naman talaga ni Ate Guy umarte na kahit kami’y napanganga nang bongga.
Kaya hindi natin alam talaga kung hanggang saan patutungo ang isyu ng pagkakaetsa-puwera ni Ate Guy bilang National Artist.
SAMANTALA, ANG hagupit ng lupit naman ng ibang Noranians ay pinatikim nila kay PNoy. Tulad na lamang ng pagkukuwestiyon ng karapatan ni PNoy na mag-etsa-puwera ke Ate Guy. At kelan pa raw naging batayan ang pagiging santo ng isang tao para hirangin itong National Artist?
Si Don Tagala na isang US correspondent ng TV Patrol ay kinorek si Pangulo ng “Nora was arrested, but not convicted.”
‘Yung isang netizen naman, “Eh, ba’t siya, Presidente pa naman siya, pero naninigarilyo rin siya. Maganda rin bang halimbawa ‘yon sa mga kabataan?”
Meron pang nag-comment ng, “Sino ang gusto niyang bigyan ng National Artist award? Ang kapatid niyang wala nang ginawa, kundi pag-usapan ang personal na buhay sa publiko?”
Masasakit na salita pa ang pinakawalan ng iba. Pero pansinin n’yo. Nora Aunor as National Artist ang isyu, pero kung sinu-sino at kung anu-ano na ang ikino-comment ng netizens?
We all agree to disagree lang ang peg. At sa totoo lang, ‘pagka ganyang walang pagkakaisa sa pagbibigayan ng opinyon ay wala na talagang katapusan ang balitaktakan na ‘yan.
SAKA TEKA lang naman, ha? Du’n sa ibang Noranians, pumokus na lang muna kayo du’n sa isyu ng pagkaka-etsa-puwera ni PNoy ke Ate Guy bilang National Artist. Ba’t kailangang idamay si Ate Vi? Eh, ni hindi nga na-nominate si Ate Vi para hiranging National Artist, eh. Ano’ng kunek?
Porke ba si Ate Vi ay kapartido ni PNoy sa Liberal Party at kaibigan ni Kris Aquino, dapat na rin itong pukulin ng bato?
Teka muna naman, ha? Mag-isip-isip din ang ibang Noranians (hindi ko po nilalahat, ha?), kasi lalo lang nilang pinasasama ang imahe ng Superstar Nora Aunor.
Maging makatuwiran sana ang iba sa pagtalakay sa isyu, ‘wag nang nandadamay pa ng iba.
Aba’y niregaluhan lang ni Ate Vi ng isang kahong ensaymada si Kris na ipinost nito sa kanyang Instagram account bilang appreciation, halatang ‘yung ibang Noranians ang nagbibigay ng ibang kahulugan sa palitan ng gesture nina Ate Vi at Kris.
Sa totoo lang, nakatutuwa dahil naging viral na ang pakikipaglaban ng netizens para masungkit ni Ate Guy ang National Artist recognition. An’daming nagpoprotestang dapat makuha ito ni Ate Guy. An’dami ring naaawa kay Ate Guy, dahil aping-api na raw ang Superstar.
Kung bibilangin siguro ang mga taong ito na nakikipaglaban para kay Ate Guy, siguro, makagagawa na ng isang box-office hit movie ang Superstar. Eh, ano’ng nangyari? Ba’t mahihina ang pelikula ni Ate Guy?
Sana, ‘yung mga nagmamahal kay Ate Guy, lalo na ‘yung nanggagalaiti sa galit para kay Ate Guy, eh baka puwedeng ikampanya n’yo na sa iba na sa mga future movies ni Ate Guy eh, iparamdam naman nila rito ang kanilang “totoo at genuine” na pagmamahal at pagmamalasakit.
Mas madali sigurong gawin ito kesa maghabol pa sa National Artist recognition.
Oh My G!
by Ogie Diaz