AKTIBO NA NAMAN ang mga tagahanga ni Nora Aunor sa pagpapadala ng mga mensahe ng paninira kay Governor Vilma Santos. Parang ibinabalik ng mga ito ang dekada ’70 nu’ng parang mga pusa at daga ang kanilang mga tagahanga.
Isa lang ang malinaw na dahilan ng lahat, nagagalit ang mga Noranians dahil hanggang ngayo’y namamayagpag pa rin ang Star For All Seasons, pagkatapos nang mahigit na tatlong dekada ay nagbibida pa rin si Governor Vilma, samantalang si Nora Aunor ay kinakambalan ng kung anu-anong mapanirang kuwento ng ating mga kababayan sa Amerika.
Kunsabagay, kami man ang mga Noranian ay maiinis-maiinggit din kami. Imagine nga naman, magkaedad lang naman sina Nora at Governor Vilma, pero bakit parang hindi pinagdadamutan ng tiwala ng mga prodyuser si Ate Vi, samantalang iba naman ang sitwasyon kay Nora.
Kuwento ng isang kaibigan namin, may kinausap daw silang kasamahan sa Amerika para magprodyus ng pelikula ni Nora, pero nagulat sila sa naging reaksiyon nito.
“Para siyang nakakita ng multo! Parang bigla siyang inalihan ng takot! Ang sabi niya sa akin, ‘Tantanan n’yo nga ako! Nananahimik ang buhay ko, huwag n’yo akong guluhin!’
“Kasi pala, meron na siyang trauma kay Nora. Meron siyang mga kaibigang nag-produce noon ng concert ni Nora, pero nagkalugi-lugi. Hindi pa naman daw kasi sila nagpipirmahan ng contract, bumabale na si Nora.
“Nu’ng rehearsal na, pinahihirapan sila ni Nora, nagwawala-walaan siya, hindi sumasagot sa mga tawag nila. Nu’ng finally, e, sumagot daw si Nora, kinukuha na sa kanila ang complete payment sa concert, samantalang ang usapan nila, bago magsimula ang show sa mismong gabi na.
“Para sumipot sa rehearsal si Nora, ibinigay na rin nila ang full payment, pero itsinek-in na siya sa isang hotel at binantayan na ng isang production staff nila para huwag silang bitinin sa mismong show,” tawa nang tawang kuwento ng aming kaibigan.
WALANG KASAWA-SAWA NAMING tinututukan ang trailer ng bagong pelikula ng Star For All Seasons, ang In My Life, dahil minsan pa naming nakita ang kanyang pagganap na sinsero at walang kakupas-kupas.
Minsan sa isang taon nga lang siyang gumawa ng pelikula dahil abala siya sa pagiging ina ng probinsiya ng Batangas, pero sinusulit niya naman ang panahon at pera ng ating mga kababayan, dahil piling-pili ang mga tinatanggap niyang proyekto.
Sabi ng cinematographer nilang si Charlie Peralta, “Wala akong pipikitang eksena sa movie, kahit kaming kasama na mismo nila sa pagtatrabaho, nadadala pa rin ng mga eksena.
“Abangan mo ‘yung confrontation nila ni John Lloyd Cruz, tapos na pala ang eksena, pero nakalimutan kong patayin ang camera, mesmerized ako, ang gagaling kasi nila.
“’Yung eksena nila ni Luis, bantayan mo rin ‘yun. Nu’ng ipagtapat na ni Luis sa kanya na meron pala siyang sakit, tingnan mo ang depth at sincerity ng acting nilang mag-ina,” masarap na kuwento sa amin ni Kuya Charlie.
Ay, nag-usap-usap na kaming magkakaibigan, ngayon pa lang ay nakalaan na ang panahon namin para sa panonood ng In My Life, peksman ay hindi namin palulusutin ang pelikulang ito.
Ayaw naming maging biktima ng pangangantiyaw ng mga kaibigan namin. Hindi namin gustong marinig ang linyang, “Sayang, hindi mo pinanood si Ate Vi, kalahati ng buhay mo ang nawala.”
Hinding-hindi po!
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin