SA TAAL, BATANGAS ang first taping day ng teleseryeng Sa Ngalan ng Ina sa TV5, pinagbibidahan nina Christopher de Leon, Bembol Roco, Ian de Leon at Nora Aunor.
Ang Superstar mismo ang nagsabi na nanibago siya sa mukha ngayon ng telebisyon. Halos wala na raw itong ipinag-iba sa pelikula, mabusisi at pinaghihirapan talaga.
May katuwaang naramdaman ang nag-iisang Superstar dahil ang nasabing mini-serye ang nagmistulang reunion project nila nina Boyet, Bembol at Direk Mario O’Hara, kung saan nagkasama-sama sila noon sa pelikulang Tatlong Taong Walang Diyos.
Ayon kay Nora Aunor, masaya siya dahil muling nakasama si Boyet, Bembol at ngayon ay kasama pa ang anak na si Ian. “Masaya talaga ako, masayang masaya,” tipid na pahayag ni Mama Guy.
Samantala, doble ang kasiyahang naramdaman ngayon ni Mama Guy, dahil bukod sa pelikulang El Presidente nila ni Laguna Gov. ER Ejercito, pina-ngakuan siya ni Mother Lily Monteverde ng sampung pelikula.
Ayon kay Mother, malaki ang kanyang paniniwala na hawak pa rin ni Mama Guy ang bertud kung bakit siya ang Superstar ng local cinema.
Kaya ang plano ni Nora na magbalik-Amerika pagkatapos niyang gawin ang El Presidente at ang Sa Ngalan ng Ina ay hindi na matutuloy dahil sa dami ng commitments ng Superstar. Ngayon pa lang ay puno na ang kanyang iskedyul.
“Masaya ako para kay Nora at least nagbunga talaga ‘yung matagal na naming planong bumalik siya ng industriya, dahil kailangan naman talaga natin siya,” pahayag pa ni Kuya Germs.
LAST WEEK, NANDU’N kami sa Batangas para sa isang event. At dahil naroon na rin naman kami sa balwarte ng Star for All Seasons, naisipan naming dalawin si Vilma Santos, at tuloy ay balak na namin sana itong kumustahin.
Naging maganda naman ang pakikitungo sa amin ng staff ni Ate Vi na sina Willie Fernandez, Ate Winnie at maging si Ate Emily.
Kaya lang sa loob ng 20 years sa showbiz, ngayon lang namin naranasan ‘yung pahindian kami ng aming idolo. “Sorry ha? Alam mo naman, Morly, maraming dapat gawin si Vi, tsaka ‘yung appointment, alam mo naman iyon,” magalang na sabi sa amin ni Ate Emily, matapos na tawagin niya kami at kausapin sa isang sulok ng tanggapan ng gobernadora ng Batangas.
Naintindihan namin si Ate Emily. Wala kaming naramdamang galit o sama ng loob. Kaya lang, siyempre nagtaka kami. Kasi sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lang kami pinahindian ng Star for All Seasons.
May panghihinayang, pero okey lang. Kung ‘yun ngang pelikulang El Presidente, tinanggihan niyang gawin dahil sa sobra niyang abala, kami pa kayang supporter lang.
Sabi nga ni Roderick Paulate na best friend ni Ate Vi, okey lang sa kanya na hindi muna matuloy ang kanilang pelikula. Ang importante ay nandu’n pa rin ang kanilang balak na magkasama sa isang movie, na tulad din namin, okey lang na hindi namin nakausap si Ate Vi, pero siguro naman kapag nabasa niya ang kolum na ito ay agad niya kaming ipatatawag para kami ay makausap. Tsuk!
NATATANDAAN BA NINYO si Isadora? Si isadora ay dating sexy actress na nakagawa na ng maraming sexy movies, kung saan ay kung ilang taon na ring nawala sa showbizlandia dahil nakapag-asawa ng isang ordinaryong lalaki.
Wala namang pinagsisihan si Isadora sa naging desisyon niya na mamahinga sa showbiz, dahil naging mabait naman ang kanyang asawa. Kaya lang, labis niyang pinanghihinayangan na kailanman ay hindi na siya magiging ina.
“Noon kasi, binibigyan ako ng Diyos, pero tinanggihan ko, uminom ako ng gamot para mawala ‘yung regalong iyon. At iyon ang labis kong pinagsisihan ngayon.”
Ayon kay Isadora, kung maibabalik lang niya ang nakaraan, ang isang bagay na una niyang gagawin ay tanggapin kung anuman ang ipinagkakaloob ng Diyos.
“Sana kahit walang ama ‘yung dinadala mo, huwag mo itong talikuran. Kahit maging dalagang ina ka, kayanin mo.”
Sabi nga ni Isadora, ngayong hindi na siya magiging ina dahil nasira na ang kanyang obaryo, labis siyang nangangamba. “Mahirap kasi ‘yung wala kang anak. Oo, may mga pamangkin ka, pero iba na rin siyempre ‘yung may sarili kang anak na makakasama mo sa iyong pagtanda,” pagwawakas ni Isadora sa Pinoy Parazzi.
More Luck
by Morly Alinio