NALUHA SI Nora Aunor sa kanyang acceptance speech nang manalong best drama actress sa katatapos na 26th PMPC Star Awards For Television. Naalala kasi niya ang yumaong si Mario ‘O Hara na siyang director ng Sa Ngalan Ng Ina, ang pinagbidahan niyang mini-serye sa TV 5 na siyang nagbigay ng panibagong pagkilala sa husay niyang bilang aktres.
Nag-tie sila sa nasabing kategorya ni Helen Gamboa na kinilala rin ang galling ng pagkakaganap sa Walang Hanggan primetime series ng ABS-CBN.
“Parang nakikita ko ‘yong mukha ni Direk (Mario), eh,” aniya nang makausap namin. “Hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin ang presence niya.”
Napapanood siya ngayon sa fantasy series ng Kapatid Network na Enchanted Garden kung saan meron siyang special role. By January, nakatakda siyang magsimula ng taping para sa isa na namang mini-seryeng kanyang pagbibidahan.
Pagdating naman sa pelikula, excited daw si Nora na dalawa ang entry niya para sa nalalapit na Metro Manila Film Festival. Ito ay ang Thy Womb kung saan kasama niya si Lovi Poe, at ang El Presidente kung saan ginagampanan naman niya ang papel bilang first wife ni Emilio Aguinaldo portrayed by Laguna Governor ER Ejercito.
Hindi malayong maging doble ang nominasyon at mapanalunang award ni Nora sa MMFF. Ang best actress for Thy Womb at best supporting actress para sa El Presidente. First time na mangyayari ito sa kanya kung saka-sakali.
“Ah… hindi natin masasabi. Suwertihan lang naman ‘yon. Dahil maraming magagaling na mga artista. Pero ‘yong pagiging best supporting actress, excited ako do’n!” sabay tawa niya.
“Kasi first time nga kung sakali na manalo akong best supporting actress. Kaya mas excited yata ako do’n,” sabi pa ng Superstar.
AFTER BOY 2 Quizon, kay Ahron Villena na co-star niya sa Enchanted Garden naman nali-link si Rufa Mae Quinto. Natawa nga ang sexy comedienne nang matanong tungkol sa pagiging very vocal ng aktor sa pagsasabing talagang type siya at gusto raw nga siyang ligawan nito.
“Ah, talaga? Hindi pa ba? Charinggg!” napabungisngis na reaksiyon pa niya. “Hindi ko alam! Hahaha! Hindi ko na alam ang game plan at eksena ng mga ganyan-ganyang ligawan. Wala. Hindi ko kasi alam kung nanliligaw o gusto ako. Hindi naman kasi sinasabi, actually.”
Pero puwedeng ma-inlove siya kay Ahron? “Oo naman! Ang guwapo-guwapo niya at macho. Pero, ayoko munang ma-in love.”
Hindi itinatanggi ni Rufa Mae na lumalabas sila ni Ahron. “Twice pa lang. Kasi taping kami ng taping kaya wala ring time. Pero kung nanliligaw nga ba siya? Hindi ko alam, eh. Friends-friends. Hindi naman siguro nanliligaw. At saka sa ngayon nga, gusto ko single muna ako. Eh, busy pa kasi sa career, eh. Ang daming trabaho, ‘di ba? So work galore muna. Basta… tuluy-tuloy lang ako sa pagtatrabaho. Bahala na. Hindi ko pa alam. Pero I’m not closing any of my doors pagdating sa lovelife. Hindi lang ‘yan kasi ang priority ko sa ngayon talaga. Alam mo ‘yon? Uhm… wala pa, eh. Ewan ko.”
Malabo na bang magkabalikan sila ni Boy 2? “Eh, it depends nga lang, ‘di ba?”
May nagawa ba si Boy 2 na nakasakit nang husto sa kanya o kaya ay mahirap niyang makalimutan, o mapatawad ito?
“Alam mo, kaibigan ko si Boy 2. So, mas maganda ‘yong… it will remain like that.”
Ganyan?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan