NGAYON LANG talaga ako nawindang at naawa sa isang taga-showbiz na aking isinulat, sa itinagal ng aking pagsusulat ng mga balitang-showbiz. Nainterbyu ko kasi ang magaling na baguhang singer na si Marion Aunor, at dahil lagi naman niyang kasama sa lakaran ang kanyang mommy at dating sikat na young star ng nakilala noong Apat Na Sikat na si Maribel Aunor, nakipagtsakahan din siyempre ako sa kanya.
Hiningi ko ang panig ni Maribel tungkol sa naging tampuhan nila ng kanyang pinsan at Superstar na si Nora Aunor. Sa totoo lang, sobra akong naaliw, dahil ang gaganda ng mga binitiwang pahayag ni Maribel patungkol kay Guy sa posibilidad ng pagkakaayos nila, kahit hindi pa nangyayari sa ngayon. Ang punto lang niya, silang dalawang magpinsan ni Guy ang dapat magkaharap para maging maayos ang lahat, dahil magkamag-anak nga sila.
Kaya lang, sobrang malupit at iba ang naging reaksiyon ng mga nagsisimpatiya kay Nora, dahil sa kabila ng magandang intensiyon ni Maribel, kung anu-anong masasakit na salita ang kanilang ipinarating na komento tungkol kay Lala at sa kanyang pamilya. Dahil sa nangyari ay dumaing talaga sa akin si Lala sa pamamagitan ng text, na sobra siyang nasaktan sa mga nangyari, kaya sobra akong nalungkot para sa kanya, dahil maganda naman ang kanyang intensiyon ayon sa naging mga pag-uusap namin.
BUONG TAPANG at lalaki talagang manindigan si Governor E.R. Ejercito sa Lalawigan ng Laguna na hangga’t siya ang nanunungkulan doon bilang Gobernador ay hindi siya magpapabaya sa kanyang tungkulin. Napatunayan na namin ang katotohanan sa sinasabi niyang nagseserbisyo siya sa publiko, 24 oras, Lunes hanggang Linggo. Noong lunes kasi ay nagpunta ako sa kanyang tanggapan sa pagbabakasali ng isang ambush interview, tulad nang lagi kong nakakagawiang interbyu sa mga artista.
Dumating ako sa Kapitolyo ng Sta. Cruz, Laguna ay alas-dos ng hapon, at hinarap naman ako ng secretary ni Gov. E. R. at kinuha niya ang letter ko para kay Gov. na nagsasabing gusto ko siyang mainterbyu. Ang daming tao sa Kapilyo nang araw na iyon. Maya’t maya ay pinupuntahan ako ng sekretarya ni Gov. kung okey lang ba ako sa upuan ko kung saan ako naghihintay, habang nakikita ko ang dami ng mga taong alis-dating matapos asikasuhin ni E.R.
Mula sa isang office kung saan ako naghintay, pinapasok ako sa mismong tanggapan ni Governor, at nanlumo ako sa dami ng tao na kanyang inaasikaso ayon sa iba’t ibang pangangailangan na kanyang tinutugunan. Alas siyete ng gabi na marami pang inaasikaso si Gov. kinabahan na ako, dahil nagtatagal na ako roon. Ang paghihintay ko ay umabot ng alas-onse ng gabi, at ang dami-dami pa ring taong inaasikso ng butihing Gobernador. Nagkatinginan lang kami ni E.R. pero hindi ko na siya nalapitan para mainterbyu, dahil ang dami pa talagang dumarating na tao. Nu’ng magpaalam ako sa secretary ay baka naman daw magpaunlak pa ng interbyu si Gov. Pero halata na naming pagod na siya buong maghapon.
Humingi na ng pasensiya si Gov. E.R. nu’ng kunin ng isa niyang staff na lalaki ang aking press ID para ipakita ulit kay E.R., dahil hindi na raw makakapagpainterbyu. Tumango na lang ako. Gabi na, Batangas pa ang uuwian ko, at wala nang biyahe. Alas dose ng gabi ay umalis na ako sa Kapitolyo, pero marami pa ring tao na lumalapit kay Gov. Naubusan na ako ng biyahe, kaya alas-singko na ng Martes ng umaga ako nakarating sa house ko sa Batangas. Hindi ako nagtampo kahit hindi ko nainterbyu si Gov. E.R., dahil mas natuwa ako na bilang taga-showbiz ay maipagmamalaki natin siya na artistang naging pulitiko, na sobra ang pagmamahal at paninindigan sa kanyang tungkulin.
ChorBA!
by Melchor Bautista