AS AN artis, kaliwa’t kanan ang natatanggap na parangal ni Ms. Nora Aunor. Kailan lang, binigyan siya ng award ng Gawad CCP para sa Sining (pelikula at broadkast) sa CCP Main Theater. Binansagang “Pambansang Artista” ng mga mamamayan, bawat pelikula niya, makabuluhan, may social relevance. Patapos na niyang gawin ang Kabisera at isusunod ang indie film na Tuos with Direk Derick Cabrido for Cinemalaya 2016.
For 24 years, nand’yan si Boy Palma as business partner/personal manager and a best friend to Ate Guy. “For 24 glorious, successful years, it is no longer a job but an advocacy. Advocacy is a persuasive act, I am no longer a fan but a believer,” he said.
Walang katulad ang pagmamahal na ibinibigay ni Boy sa Superstar kaya ganu’n na lang ang pagpapahalaga at respeto sa kanya ng award-winning actress. Sa tingin nga namin, hindi mo na mapaghihiwalay ang dalawa kahit anong intriga ang ibato sa kanila.
Solid ang samahan nina Boy at La Aunor. Walang humpay ang paggawa ng pelikula ni Ate Guy. Naka-line up at naghihintay si Adolf Alix para sa dalawang pelikulang gagawin niya with Ate Guy. Katatapos lang mag-taping ng Superstar ng Magpakailanman with Ricky Davao and Angeli Bayani directed by award-winning director Maryo J. de los Reyes for GMA.
Nakatakda ring gumawa ng drama series si Ate Guy sa Kapuso Network sa direksyon ni Ricky Davao. Ikatutuwa ng mga fans ni Ate Guy ang balitang ito. Maging ang actor/director ay excited na maidirek niya ang Superstar. Kahit nagkasama na silang dalawa sa pelikula, malaking challenge ito para kay Ricky as a director.
Kailangang kumayod ang Superstar para sa hospital bill ng kanyang kapatid na si Edy Boy Villamayor na ilang buwan nang naka-confine. Priority muna niya ang kapakanan ng kanyang bunsong kapatid bago ang pagpapa-opera nito sa lalamunan. Gusto ni Ate Guy na mabuhay pa ang pinakamamahal niya sa buhay kaya hindi ito napapagod sa pagtatrabaho. Walang hindi gagawin si Ms. Nora Aunor para humaba pa ang buhay ng kapatid.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield