Nora Aunor, nag-sorry sa INC; nagpalusot sa “Iglesia Ni Manalo”

 alt=

Bagama’t nag-sorry ang “Superstar” na si Nora Aunor sa sektang Iglesia Ni Cristo (INC), kapansin-pansin naman ang pahabol niyang tila palusot kung bakit raw niya tinawag na “Iglesia Ni Manalo” ang nasabing sekta nang magbigay siya ng mensahe sa mga miyembro ng Ang Dating Daan at sa lider nitong si Eli Soriano sa selebrasyon ng kanilang ika-36 na anibersaryo na ginanap noong December 9, 2016 sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Nora Aunor (screen grab from YouTube)

Sa ulat sa PEP, sinipi ang pahayag ni Nora mula sa Facebook account ng Inquirer entertainment columnist na si Bayani San Diego.

Ani Nora, “Para sa lahat po ng mga Ministro at sa lahat ng mga kapatid natin sa Iglesia ni Cristo:

“Humihingi po ako ng paumanhin at kapatawaran kung may nasabi po akong hindi maganda, lalo na ang pagkakabanggit ko ng ‘Iglesia ni Manalo’.”

Okay na sana ang paghinging ito ng ‘paumanhin at kapatawaran’ ni Nora. Kaya lang, nawala ang sinseridad nang sabihin niyang, “Marami na rin po kasi akong naririnig na mga tao na ganito ang tawag nila kaya hindi ko po alam na ang pagkakabanggit ko ng ganito ay sobrang ikinasama ng loob ng nakararami nating kapatid sa INC.”

Mararami raw siyang naririnig na ganoon ang tawag at hindi raw niya alam na ikasasama iyon ng loob ng mga miyembro ng INC. Kailan ba ipinanganak itong si Nora para sabihin niya ang tila palusot na ito? ‘Di ba halata na gusto niyang i-please si Eli Soriano at ang mga taga-Ang Dating Daan sa kanyang pahayag?

Pinalagan din ng mga miyembro ng INC ang pagpuna ni Nora sa pamamaraan ng pagsamba at pagbibigay ng abuloy o donasyon ng nila.

Kakatwa nga dahil sinabi rin ni Nora sa kanyang mensahe na sa Ang Dating Daan lang niya nakita ang respeto sa isa’t isa. Ang tanong: ang mga mga kaanib lang ba sa kinabibilangan niyang sekta (yes, nagdesisyon na si Nora na umanib na sa Ang Dating Daan) ang dapat nilang respetuhin? Paano ang ibang tao na nasa ibang relihiyon at sekta, ang damdamin nila?

Tila mabilis na nayakap ni Nora ang kostumbre ng Ang Dating Daan, kung paanong mabilis din niyang nakakabisa ang kanyang mga dialogue sa kanyang mga pelikula. Hindi lang kasi ang INC ang binatikos ni Nora sa kanyang mensahe, kundi maging ang mga Katoliko at ang umano’y hindi tamang pakikisaw ng mga pari sa mga isyung panlipunan.

Nais lang naming sabihin na mas makabubuti na maidambana at maipalaganap natin ang ating pananampalataya nang hindi bumabatikos sa pananampalataya ng iba. Ginagarantiya ng ating Konstitusyon ang kalayaan ng bawat Pilipino na pumili at umanib sa nais niyang relihiyon, kaakibat nito ang obligasyon na igalang o irespeto sa lahat ng paraan ang kalayaang iyon ng bawat isa sa atin.

Pero sabi nga ni Nora sa paghingi niya ng paumanhin, makalipas ang isang buwan, “…wala po akong masamang ibig sabihin at hindi ko puwedeng saktan ang damdamin ng kahit na sinong tao, ano man ang kanilang relihiyon.

Dagdag pa niya, “Isa pa po, hindi po ako magiging Nora Aunor kung wala po itong mga taong ito na patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa akin mula noon hanggang ngayon.

“Itong mga taong ito na may kanya-kanyang paniniwala at kaanib ng iba’t ibang relihiyon. Kung paano nila ako minamahal at itinataguyod bilang kanilang idolo, triple po ang respeto at pagmamahal ko sa kanila.

Aniya, “Ayoko po hangga’t maaari na makagawa ng mga bagay na alam kong masasaktan sila. Siguro naman po kahit papaano ay alam at nakikita rin naman po ito ng mga taong nagmamahal sa akin na madalas kong nakasasama at nakauusap na itinuring ko na rin pong pamilya ko. Kaya hindi ko po inisip na masama ang ginawa ko.”

“Umaasa po ako na maiintindihan ito ng ating mga minamahal na mga Ministro at mga kapatid natin sa INC.

“Wala pong perpektong tao. Lahat po ng tao ay nagkakamali. Sino mang pinaniniwalaan nating lahat na naglalang sa atin ay mapagpatawad.

“Ito po ang inaasahan ko sa INC: Ang mapatawad ako sa aking pagkakamali.” Pagtatapos ni Nora.

Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores

Previous articleParazzipat: Kathryn at Nadine, patalbugan sa bikini
Next articleOlympic figure skater Michael Martinez, ibinalandra sa social media ang katakam-takam na pigura

No posts to display