WALANG pagsidlan ng kaligayahan ang Superstar na si Ms. Nora Aunor sa pinakabagong karangalan na kanyang natanggap.
Si Nora ay kasama na sa listahan ng mga katangi-tanging alagad ng sining na ginawaran ng prestehiyosong pagkilala bilang National Artist ng bansa ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Inanunsiyo ng NCCA head na si Nick Lizaso ang paghirang sa multi-awarded actress bilang National Artist para sa pelikula noong June 10, sa Malacanang.
“Wala pa akong maisip na sasabihin ko sa ngayon dahil sa labis na kasiyahan sa aking puso at para po sa ating lahat,” simulang pasasalamat ni Ate Guy.
Pinasalamatan din niya ang mga taong ipinaglaban siya hanggang hndi napupunta sa kanya ang pagiging National Artist.
“Sa mga taong nanalangin po at nakipaglaban hanggang sa huli para maibigay sa akin ang kanilang pinangarap na ako’y mahirang na isang National Artist for Film,” aniya pa.
Dagdag pa ng Superstar, “Higit po sa lahat, walang katapusang pasasalamat sa ating Panginoon, sa MAMA at PAPA ko, sa aking pamilya at mga anak, lalo na sa mga pinakamamahal kong mga fans at mga taong nasa tabi ko sa oras na kailangan ko sila, mula noon hanggang ngayon.
“Maraming salamat po sa ating mahal na Pangulo na si President Rodrigo Duterte at mga taong nasa likod ng napakataas na karangalang ito.”
Kabilang din sa mga bagong National Artist ng bansa ay sina Fides Cuyugan Asensio sa musika, Ricardo Lee sa pelikula. Gemino Abad para sa panulat at literature a si Agnes Locsin para sa sayaw.
Maging ang yumaong cirector na si Marilou Diaz Abaya ay kiniilala ring National Artist para sa pelikula, Si Tony Mabesa naman sa teatro, at si Salvacion Lim Higgins para sa fashion.