ILANG DEKADA na ang lumipas, wala pa ring kupas ang kasikatan ni Ms. Nora Aunor. Iniidolo ng masang Pinoy at maging ng kapwa niya artista. Walang humpay sa paggawa ng makabuluhang pelikula kaya’t binibigyang ng recognition sa ibang bansa. Kailan lang, nakuha ni La Aunor ang Best Actress award in a Foreign Film sa St. Tropez International Film Festival para sa outstanding performance niya sa indie film na Dementia sa direksyon ni Perci Intalan.
Sa birthday party ni La Aunor na bigay ng mga fans last Saturday, nakausap namin nang personal ang manager ni Ate Guy na si Boy Palma. Ayon sa kanya, hanggang ngayon, wala pa ring paliwanag si Brillante Mendoza tungkol sa issue (economy tickets) ng hindi pagsama nila ni La Aunor sa grupo ng award-winning director at ni Senator Loren Legarda sa France for Cannes Film Festival. Ayon kay Boy, tinawagan na siya ni Sen. Loren at humihingi ito ng dispensa sa pangyayari. Deadma lang daw si Direk Brillante, walang tawag o paliwanag about the issue.
That night, nasaksihan namin kung gaano kamahal ng mga fans si La Aunor. Hindi nila iniwan ang kanilang idolo sa mga pagsubok na dumaan sa Superstar. Nagbigay ng mensahe si Ate Guy sa kanyang mga fans, “Matagal-tagal na ring hindi tayo nagkasama-sama nang ganito. Sa lahat ng mga fans, taos-puso akong nagpapasalamat sa inyo. Humihingi ako ng dispensa sa inyo sa mga pagkukulang ko, patawarin ninyo ako. Alam kong marami akong pagkukulang sa inyo. Hindi ako nahihiyang sabihin, ito’y nanggagaling sa puso ko,” say ni Ate Guy.
Binanggit din ni Nora ang mga naka-line-up niyang movie na gagawin this year at next year. May tatlong indie films na sisimulan ang award-winning actress. “May sisimulan muna akong movie bago ko gawin ‘yung indie film kay Direk Ronald Carballo. Pagkatapos nu’n, ‘yung film namin ni Ricky Lee na siya ang director ko. Actually, matagal na nga ito, hindi nga lang namin masimulan dahil nga sa dami ng commitment. Ngayon tuloy na tuloy na ang first directorial niya na ako ang artista niya,” excited na turan ng Superstar.
Nang makausap namin si Ricky Lee, matagal na nilang plano ito ni La Aunor. Si Ate Guy nga ang nag-convince sa kanyang mag-direk. Ngayong ready na siyang mag-direk at willing itong maghintay, gusto niyang matapos muna lahat ni La Aunor ‘yung mga nasagutan na niyang commitment bago simulan ang pelikula nila together. Hindi siya magdi-direk kung hindi ang Superstar ang una niyang idi-direk. Maraming offers na ring tinanggihan ang award-winning scriptwriter para mag-direk. Palagi niyang sinasabi, “Kung hindi si Ate Guy ang artista ko, hindi muna ako magdi-direk. Alam ‘yan ni Guy. Siya nga ang nagsasabi sa akin, it’s about time na raw na mag-direk ako. May project ako sa kanya na hindi pa niya nagagawa. ‘Yung character na ipo-portray niya, kakaiba ‘yung role.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield