Malaki ang impluwensiya kay Nora Aunor ng pelikulang Flor Contemplacion, ang domestic helper na hinatulan ng korte ng Singapore nang kamatayan nang maakusahan ng pagpatay sa anak ng kanyang amo.
Mula noon, ang pagkamulat niya sa iba’t ibang isyu ay isa-isa nang nagma-manifest sa mga partisipasyon niya sa isyu tulad sa pagdalo sa mga pagpupulong at protesta sa kalye. Ilang beses na ring namataan at naibalita si Nora Aunor na sumama sa mga martsa at rali.
Kaninang umaga, Biyernes, April 8, mula Plaza Miranda (Quiapo) hanggang Mendiola, bahagi ang aktres sa protest rally na isinagawa para bigyang-katarungan ang mga magsasaka na naging biktima sa tinatawag ngayon na ‘Kidapawan Massacre’ na naganap noong Biyernes sa Kidapawan City, North Cotabato.
Ang naturang martsa-protesta ay inorganisa ng Bagong Alyansang Makabayan.
Naging vocal si Nora laban sa kaganapan. “Nalulungkot po ako na marinig ang mga nangyari sa mga farmers. At sana ho mabigyan ng justice ang ginawa sa kanila. Lalo na sa gobyerno natin, sana hindi nila balewalain ang mga ginawa sa farmers,” pahayag niya sa ilang media na nakausap siya.
Sa programa sa Mendiola, isang mahabang speech ang ibinigay ni Nora kaugnay ng pangyayari.
Narito ang kabuuan ng speech ng Superstar:
“Hustisya para sa lahat ng mga biktima ng Kidapawan.
“Hustisya para sa mga magsasaka.
“Bigas, hindi bala!
“Mga kaibigan, nandito po ulit ako ngayon para makiisa po sa inyong pighati at galit sa mga nangyari. Nang mabalitaan ko po ang nangyari sa Kidapawan, hindi po ako mapakali. Kaya ako po ay tumawag kaagad-agad sa mga kaibigan sa Migrante at tinanong ko sa maliit na pamamaraan kung ano po ang maitutulong. Nang mabalitaan ko po na may rally ngayon ay sinabi ko po na gagawan ko ng paraan na makasama ako sa araw na ito. Sasama ako. Kasama niyo po ako sa laban na ito.
“Mga kaibigan, hindi po, ngayon ko lang sasabihin, na hindi po nalalayo sa nagiging problema ko ngayon sa maliit na lupain na naipundar ng mama ko nang ako po ay nag-uumpisa pa lamang. Yung aking unang-unang kinita ay naipundar ng palayan at panubigan (?), kaya’t kilala ko po at may mga farmers din po ako na mga nagtatrabaho doon. Kaya’t nasasabi ko po ito noong malaman ko po ay hindi po ako mapakali. Kaagad-agad tinanong ko sa sarili ko kung ano po ang pwede kong gawin. Kaya ngayon nga po ay nakasama ninyo ako para manawagan din po na mabigyan ng hustisya.
“Ang mga farmers po, kung hindi niyo alam, ang siya pong nagtatrabaho para po tayo ay may makain. Kung hindi po sa kanila, siguro po sa ngayon ay mahihirapan tayo sa bigas na makakain natin.
Ang sabi ng pulis, iyong ibang magsasaka daw po na namatay ay dahil sa stroke, heat stroke ang sabi po nila. Ang sabi naman po ng iba ay nanlaban daw po ang ilang magsasaka. Kaya po, ang sabi pa rin nila ay warning fire lang po ang ginawa nila sa pagpapaputok sa mga magsasaka. Tama po ba iyon? Hindi naman po yata tama, ‘di ba?
“Ang hinihingi lang ng ating magsasaka ay iyong karapat-dapat lamang po na ibigay sa kanila. Dahil hindi po naibigay sa kanila na hindi po naibigay sa kanila kundi bala po, pinaulanan po sila ng bala. Hindi naman po yata tama na ang hinihingi lang ng ating mga magsasaka ay para iyong bigas na dapat mapunta sa kanila, mga kaibigan. Kaya po ako nandito at ako po ay galit na galit din po tulad ninyo. Ako po ay nananaghili din po tulad po rin ninyo. Ako po ay kasama ninyo sa lahat ng mga dapat na ipaglaban.
“Ano po ba ang dapat nating gawin sa kasalukuyan? Matagal ko na pong sinabi noong una po akong nakasama ninyo at nagsalita rin po sa entablado, para dito sa mga namumuno po sa ating bayan na dapat po ay bumaba na sila. Dahil wala naman po silang nagagawang kabutihan para sa mamamayan, lalo na sa mga mahihirap na tao. Kagaya po ngayon. Ano po bang ginawa nila? Nangmasaker po sila ng mga walang kamalay-malay na tao na gusto lang magtrabaho at gusto lang humingi ng kanilang kahilingan, iyon pong bigas na dapat na mapasakanila At para mapagbigyan sila, hindi iyon ang ginawa nila kundi pinaputukan pa sila ng baril.
“Papayag po ba kayo na ganoon basta-basta na lamang ang gagawin sa ating lahat magpahanggang ngayon?
“Maski ako po talagang hindi papayag sa ganyan. Tayong lahat hindi papayag sa ganyan. Kaya sama-sama po tayo na samahan natin at ipaglaban kung ano ang mga karapat-dapat na ipaglaban katulad po ngayon sa ating magsasaka. Naghihirap po talaga sila.
“Mayroon pang nagsabi sa akin na ito raw magsasaka ay gumagawa lamang ng paraan at iyong mga ginagawa ay hindi para sa kanila. Hindi po tama din po iyon. Mga kaibigan, iisa lamang po ang aking kahilingan, magsama-sama po tayo para ipaglaban po ang dapat ipaglaban lalong-lalo na po sa ating mga kapatid na magsasaka. Iyan lamang po ang gusto kong sabihin para sa inyo. Iyan lamang po ang gusto kong ipaabot sa inyo.
“Ako po ay nanggaling pa ng Caramoan, Bicol para sa shooting, at nang nalibre ako 15 hours po ang byahe, nag-sidetrip lamang po kami para lang makasama po ako ninyo ngayong araw na ito…pagpapasensyahan niyo na po pati boses ko po ay medyo paos, dahil talagang magpahanggang ngayon po ay galit pa rin ang boses ko….Hindi po ako naoperahan.
“Mga kababayan ang puso ko po, ang isip ko po ay nasa ating lahat, sa ating mga kababayan, lalong-lalo na po sa lahat ng mga mahihirap. Lalong-lalo na po sa mga nangyayari ngayon sa mga magsasaka, sa mga kapatid nating magsasaka. Magandang hapon po sa inyong lahat at pagpapasensyahan niyo po ako, wala pa po akong tulog.”
Bukod sa aktres, si Robin Padilla ay sumugod mismo sa Kidapawan kasama si Rep. Neri Colmenares para suportahan ang mga magsasakang biktima ng karahasan.
Bukod sa Idol ng Masa na si Binoe (palayaw ng action star) na walang patlang ang pagdo-donate niya sa sako-sakong bigas, kumilos na rin ang mga taga-showbiz at sumusuporta sa adhikain ng mga magsasaka tulad ni Liza Diño at ang kapartner niyang si Aiza Sequerra na very vocal at against sa nangyari.
Bukod sa mga artistang nabanggit natin previously na nag-donate ng bigas, may balita rin kaming nakuha na may donasyon ding ipinadala si Maine Mendoza.
Reyted K
By RK VillaCorta