HINDI NAIWASANG MALUHA ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor nang tanggapin nito ang kanyang tropeyo para sa 3rd PMPC Star Awards For Music, ang Lifetime Achievement Award.
Masyadong na-touch daw si Ate Guy sa tribute na ibinigay sa kanya ng PMPC, kung saan inalayan siya ng awitin nina Angeline Quinto at Jed Madela ng mga awiting paborito ng nag-iisang Supertar na sinundan ng napakagandang VTR na nagpapakita ng achievements ni Ate Guy sa larangan ng musika, concerts, TV shows , pelikula, atbp.
Namutawi nga sa mga labi ng nag-iisang Superstar na hinding-hindi niya makakalimutan habang siya’y nabubuhay ang parangal na ibinigay sa kanya ng Philippine Movie Press Club. Ito raw ay magsisilbing inspirasyon para mag pagbutihan niya ang kanyang trabaho.
Dagdag pa ni Ate Guy, sisiguraduhin niya raw na next year ay magpapa-opera na siya para gumaling na siya at muli na namang makaawit via concerts at album para na rin sa kanyang mga nagmamahal na tagahanga.
BALITANG NAG-ALSA BALUTAN sa kanilang tahanan ang 2011 Male Pop Artist of the Year at Male Star of The Night ng 3rd PMPC Star Awards For Music na si Gerald Santos, dahil nagkatampuhan sila ng kanyang ama.
Pero ayon kay Gerald, kahit na hindi sila in good terms ng kanyang ama ay iniaalay pa rin nito ang kanyang pagwawagi rito at sa kanyang pamilya. Alam daw nito na maghihilom din sa tamang panahon kung ano mang hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila.
Bukod sa pagwawagi sa Star Awards For Music, nominado rin si Gerald sa Aliw Awards na gaganapin sa Nov. 8 sa Resorts World Theater sa dalawang kategorya – Best Actor in a Musical Play for ‘Sino Ka Ba, Jose Rizal?’ at Best Male Performance in a Concert para sa ‘Major Move’ concert na ginanap sa Music Museum.
Ito rin ang kumanta ng theme song ng Sa Ngalan ng Ina ng TV5 na pinagbibidahan ng Superstar na si Nora Aunor at regular pa rin itong napapanood sa Hey, It’s Saberdey! at magiging espesyal siyang panauhin sa Asia Pacific Bikini Summit na gaganapin sa Metro Bar, West Ave., QC sa Nov. 15.
AYAW NA RAW pag-usapan pa ni Rich Asuncion ang topic patungkol kay Aljur Abrenica, dahil ayaw raw nitong mapagbintangang ginagamit na naman ang binata para sa sariling publicity, especially na pare-pareho na silang masaya sa kani-kaniyang buhay.
Tsika nga ni Rich, ‘wag nang buhayin pa ‘yung dating isyu na nagli-link sa kanilang dalawa dahil wala naman daw talagang katotohanan na naging dahilan para masira ang maganda nilang friendship noon.
Ngayon daw, okey na sila ni Aljur at willing na silang magtrabaho muli sa kung ano mang proyektong ibibigay sa kanila ng GMA-7. Pakiusap lang ni Rich na ‘wag na silang intrigahing dalawa, dahil kasisimula pa lang manumbalik muli ang kanilang nasirang friendship. ‘Yun na!
INIAALAY RAW NG tinanghal na Best New Male Recording Artist na si Jake Vargas ang kanyang pagkapanalo sa kanyang inang may cancer (4th stage) na kanyang naging inspirasyon para mabuo ang kanyang 1st album under Dyna Music.
Ayon kay Jake, ang kanyang ina raw ang talagang may gustong magkaroon siya ng album, kaya naman daw ito ang unang natuwa nang binigyan siya ng pagkakataon ng Dyna Music na pag-aari ni Mr. Howard Dy na maging recording artist ng kanyang kumpanya.
At ito rin daw ang unang-unang natuwa sa pagkapanalo ni Jake sa 3rd Star Awards for Music. Kaya naman nagpapasalamat si Jake, ang kanyang ina at ang kanyang buong pamilya sa bumubuo ng PMPC sa karangalang ibinigay sa kanya.
John’s Point
by John Fontanilla