BUHAY NA naman ang mga Noranians (sa Facebook lang) dahil may pelikua na ipalalabas ang idol nilang si Nora Aunor.
Pero ang tanong, kikita naman kaya ang pelikulang Dementia ng dating “Superstar” na palabas na sa Wednesday?
Nega kasi ang dating ng publicity niya ngayon tungkol sa usaping utang na loob sa istasyon ni Manny V. Pangilinan na nag-aruga sa kanyang pagbabalik after almost 8 years of absence sa showbiz. Feeling ng aktres, pinabayaan siya ng kanyang mother studio at ng staff ng bagong show tungkol sa mga singer na ang titulo ay nagra-rhyme sa tunog ng mga tindera sa talipapa (na hindi pumasok sa kamalayan ko ang mga pangalan ng mga kasali sa show).
Nagpa-call time ang staff sa kanya nang mas maaga (dahil palagi raw late ang aktres sa schedule niya) kung saan dumating ito nang almost two hours prior to the time of the presscon. Kaso pagdating ni Nora sa venue, walang nag-asikaso. Walang staff na nag-welcome man lang sa kanya (na dapat meron). Ginutom ang aktres na kaysa ngumanga ay umuwi ito sa Eastwood (kung saan siya nakatira) para kumain at hindi na ito bumalik in time for the presscon.
Pero sa radio show ni Cristy Fermin at Richard Pinlac sa 92.3 FM binakbak ng radio hosts si Nora sa pagiging unprofessional nito at sa pagpapabaya niya sa kanyang obligasyon na dapat niyang gampanan sa show tungkol sa mga tinderang kumakanta.
Maging ang “utang na loob” sa istasyon ni MVP ay tinalakay nila. Kung sino man ang nagsasabi ng totoo (ang kampo ni Nora o ang source nina Cristy at Richard ay bahala sila). Ang isyu ko ay kung kikita ba ang Dementia na isang psycho-thriller na first directorial job ni Perci Intalan tungkol sa karakter ni Nora na may dementia, na ang mga nakikitang “multo” ay kathang-isip lang ng kanyang kamalayan.
Wrong timing ang “utang na loob” na isyung ito kay Nora na kung nag-focus sana ang mga publicist sa merit ng pelikula sa nakuhang “Graded A” mula sa Cinema Evaluation Board, naging positibo sana ang vibes, baka kikita pa ang pelikula.
Sa dami ng mga magagandang pelikula noong huling Cinemalaya X, malamang, nagsawa na ang nagbabayad sa sinehan ng P200 para makapanood ng sine.
Acting award, ok magaling si Nora. Given na ‘yan. Paulit-ulit na lang pini-play-up ng mga drumbeater niya na mga Panjee Gonzales na ang mga obra ng aktres ay pang-award.
Alam na ng mundo na magaling siyang aktres pero ang tropeo hindi nakabibili ng isang kilo ng bigas or pang-pasa load.
Boring na. Paulit-ulit na lang ang “aktres-aktresang isyu” na nakababagot na. Wala nang bago.
Hari nawa’y kumita kahit break-even man lang ang pelikula para pampasuwerte sa panimula ng bagong karir ni Perci bilang film director at pati sa mga financier at producer na namuhunan na gusto ring kumita o kahit makabawi man lang para makaulit, dahil ang pagpo-produce ng pelikula ay isang negosyo at hindi proyekto ng DSWD na pangkawang-gawa.
Si Nora, hindi na uso. Iba na ang panahon ngayon. Kung nagpaka-ala Carmen Rosales sana siya noong kainitan niya at huling pelikula na kumita (ang Flor Contemplacion Story) na naging box-office hit ay bongga sana ang strategy sa kanyang career na every 5 years ay babalik lang siya sa Pilipinas para gumawa ng pelikula or isang malaking proyekto.
Si Nora, nagasgas na nang ganun-ganun na lang mula nang bumalik siya galing Amerika. Aanhin niya ang sandamakmak na indie films na magaganda kung ang publiko sa makabagong panahon, iba na ang gusto.
Ang mga Noranians pa naman, palaging tulog at pupungas-pungas at puro lang dakdak. Sige nga, kumita ba ang Thy Womb, Ang Kuwento ni Mabuti at ang Cinemalaya X entry na Hustisya? Isa lang ang sagot ko, ang reyalidad ay umiiyak ang nag-produce ng kanyang pelikula.
HINDI AKO makikisawsaw sa legal issues ng mag-asawang Derek Ramsay at Mary Cristine Jolly.
Hindi naman kasi ako kabilang sa mga naging ka-affair ng showbiz hunk tulad nina Solenn Heussaff at Angelica Panganiban at Cristine Reyes.
After mapakinggan ang akusasyon ni Jolly sa kanyang asawa, may babae pa kayang magtitiwala kay Ramsay?
Si Kris Aquino, nilinaw na at diretsahang sinabi na si Derek: “Is a dear friend & I know we will remain lifelong friends.”
Pero totoo kaya ang tsika na may sikretong ugali diumano si Derek na gustung-gusto ng mga beki?
Reyted K
By RK VillaCorta