NAGBIGAY ng official statement si Superstar Nora Aunor na matagal ding nagtrabaho noon sa ABS-CBN sa pagsasara ng network nitong May 5, 2020 dahil sa kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ikinalungkot ng multi-awarded actress ang sinapit ng ABS-CBN lalo pa nga’t humaharap ang bansa ngayon sa matinding health crisis dulot ng COVID-19.
Narito ang buong nilalaman ng official statement na inisyu ni Nora Aunor:
“Bilang nagtrabaho rin ako sa ABS-CBN ng marami ring taon mula pa sa radyo hanggang sa telebisyon ay nakaramdam ako ng lungkot sa pagsasara nito.
“Nasa GMA 7 man ako ngayon na hindi ako pinababayaan ay naisip ko ang mga taong maaapektuhan sa pangyayaring ito. Naniniwala ako na sa panahong ito ay dapat magmalasakitan ang bawat isa, Kapuso man o Kapamilya.
“Alam kong maraming mga empleyado ng kumpanya na mawawalan ng trabaho at kawawa ang kanilang mga pamilya na umaasa lamang sa network. At sana hindi ito nangyari sa panahong dumadaan tayo sa krisis dulot ng Covid-19.
“Ako ay lubos na umaasa na malalagpasan ng ABS-CBN ang suliraning ito na dumating sa kanila. Sana ay muling makapagtrabaho ang kanilang mga talent, empleyado lalo na yung mga maliliit na manggagawa nila.”