WEDNESDAY, AUGUST 3, mga alas-dose ng tanghali, pormal nang pumirma ng kontrata sa TV5 ang Superstar na si Nora Aunor. Nangyari ang pirmahan sa opisina ng TV5 sa may The Fort sa Taguig. Present sa nasabing contract signing ang tumatayong manager ni Ate Guy na si Kuya Germs, ang kaibigan nitong si Suzette Ranillo at ang mga bigwigs ng network na sina Atty. Ray C. Espinosa, at si Sir Bobby Barreiro.
Pagkatapos nang contract signing, sumabak kaagad si Ate Guy sa isang pictorial at umiinog na nga ang mundo niya sa pagiging busy bilang bagong kabahagi ng Kapatid Network. Gagawa nang mini-serye si Miss Nora sa istasyon, pero hindi ito basta-basta lang na series.
Dahil ayon sa Vice President at Entertainment and Creative Head ng TV5 na si Sir Perci Intalan, “Ito ay parang isang malaking pelikula na inilagay sa isang teleserye pero may takdang panahon ng pagtatapos.”
Madugo, matrabaho pero rito raw nae-excite ang mga bosses ng Singko. Ito ay kauna-unahan sa telebisyon sa bansa kaya baka raw mag-set ito ng trend among local shows. Kahit pa raw humataw sa ratings at talagang tangkilikin ng publiko ang mini-serye, tatapusin at tatapusin daw talaga ito sa loob ng isang buwan.
Bongga talaga, kaya marami na ang nag-aabang sa unang proyekto ng nag-iisang Superstar sa kanyang pagbabalik sa showbiz.
MATAGAL NA NAMING gustong makapagpa-picture kay Miss Nora Aunor simula pa noong kami ay nagsimulang magtrabaho sa showbiz sa opisina ng kapatid ni Former President Joseph Estrada na si Papa Jesse Ejercito. Nakikita lang namin si Ate Guy from a far, pero wala talagang pagkakataong makapagpalitrato kami sa kanya.
I am a movie fan, at bawat panayam namin sa kung sino mang artista, sinisiguro naming makapagpalitrato sa kanila bilang remembrance. Lumaki kami sa isang maliit na isla sa Cebu, ang Camotes Island, kaya naman ang makakita ng artista noon ay isang pangarap lamang. Pangarap na sa awa ng Diyos ay nabigyang-katuparan nang kami ay magpursiging mag-aral sa Maynila kahit kapos at kulang sa pantustos sa pang-araw-araw na pagpasok sa eskuwela.
Kaya naman nu’ng malaman naming pauwi na nga si Ate Guy, isa lang ang aming hiling, ang magkaroon ng litrato sa kanya bukod sa magkaroon ng panayam sa nag-iisang Superstar.
At ito ay nagkaroon nang katuparan noong Martes, August 2, sa presscon nang TV5 para sa kanyang pagbabalik. Ipagmamalaki ko sana sa aking nanay na nakilala ko na si Nora Aunor at nakita sa personal pero, nagkataong namayapa na si Mama, exactly two years ago, as we write this column (August 4).
Salamat Miss Nora sa pagkakataon.
SA LINGGO, AUGUST 7, magkakaroon nang fans day si Ate Guy sa Broadway Centrum. Pero inaanunsiyo ng mga namamahala sa fans day na hindi lahat ay mapagbigyang makapasok sa venue dahil, hindi ganu’n kalaki ang lugar. Kaya naman kinakailangang makakuha ng tickets ang mga gustong dumalo at makapiling ang Superstar.
Ngayon, Biyernes, August 5, mamimigay ng ticket ang TV5 para sa fans day. Magsisimula nang alas-diyes ng umaga ang pamimigay ng tickets. Ito ay para maiwasan ang pagdagsa ng tao sa lugar. Sa mga nais makakuha ng tickets, pumunta lang sa Broadway Centrum office ng TV5 para sa inyong libreng tickets. Go, now na!
Twitter-@arnielcserato, [email protected]; E-mail your blind items and hottest showbiz scoops sa [email protected]
Sure na ‘to
By Arniel Serato