Nora Aunor, sakit ng ulo sa producer ng show! – Cristy Fermin

NAKAUSAP ULI NAMIN nu’ng isang araw si MAF, ang prodyuser ni Nora Aunor para sa apat na shows sa Canada, para lang ipaalam sa amin ang isang impormasyong nakarating sa kanya.

Ilang linggo silang nagkakainitan sa telepono ng Superstar dahil sa kakukulit ng singer-actress na makuha na ang kanyang buong talent fee sa mga shows na gagawin niya sa Winnipeg, Toronto, Vancouver at Calgary sa Pebrero ng susunod na taon pa.

Nakatupad na ang prodyuser sa nakasaad sa kanilang kontratahan na 25% kapag pinirmahan ni Nora ang kontrata, sobra pa nga ang naipadala nito kay Nora, dahil tawag nang tawag sa kanya ang Superstar para magpadala ito ng pera sa Amerika.

[ad#post-ad-box]

“At malaki ang nababawas sa akin kapag pinadadalhan ko siya ng pera, ayaw niyang ipadala ko ‘yun sa banko, ang gusto niya, sa bahay pa niya. Mahal ang bayad sa door-to-door, pero okey na rin sana sa akin ‘yun.

“Ang ayoko lang, itinext pa niya ako, tinawag niya akong matandang manggagantso. Ano naman ang ginantso ko sa kanya, e, siya nga itong sa February pa ang mga shows niya sa akin, kulit na nang kulit na makuha niya ang full payment?

“Napakatagal ko nang nagdadala ng mga shows dito sa Canada, minsang panalo at talo ako, pero ngayon lang ako nakatagpo ng performer na maligalig!

“Sakit ng ulo si Nora Aunor, mahirap siyang kausap, hindi siya tumutupad sa kung ano ang nasa contract. Imagine, sa February pa ang show niya, pero full payment na ang idine-demand niya?

“Ano ba namang klase ang taong ‘yun? Bakit ba palagi siyang nangangailangan ng pera sa Amerika?” Nagtatakang tanong pa ni MAF.

Tiyempo namang habang mainit na mainit ang kanyang ulo ay nakausap ng prodyuser ang isang kapwa Pilipinong minsan na ring kumuha sa serbisyo ni Nora para sa isang show sa Amerika. Medyo gumaan ang kanyang pakiramdam dahil hindi naman pala ito nag-iisa, pero biglang kinabahan ang prodyuser, dahil sa sinabi sa kanya ng ating kababayan.

“Ang sabi sa aking nu’ng kausap ko, bakit daw kinuha-kuha ko pa si Nora, sakit daw talaga sa ulo ang aabutin ko sa kanya. Hindi pa man, kukunin na niya ang full payment niya, kaya kapag dumating na ang mismong show, tinatamad na siya! Abangan mo ang takdang araw, baka hindi pa ‘yun sumipot sa show mo, tulad ng ginawa niya sa akin noon!’

“’Yun ang sinabi ng kausap ko, kaya bigla akong natulala. Meron pa pala akong mas dapat ikakaba! Hindi pala siya sumisipot sa mga shows na tinatanggap niya!” Gulat na pahayag ni MAF sa kabilang linya.

HINDI ITO KUWENTONG-KUTSERO lang, mismong mga tagahanga ni Nora Aunor sa Amerika ang nagpapatunay, mas matagal pa ang panahong ipinamamalagi ni Nora sa casino kesa sa tirahan nila ni John Rendez.

Nakakuwentuhan din namin ang isang sikat na performer na nakasama niya sa series of shows sa Amerika, ang kuwento ng singer ay parang hindi na umuuwi si Nora para maligo at magpalit ng damit, dahil ang suot niya nu’ng unang magkita sila ay ‘yun din ang suot niya nu’ng makalipas na ang dalawang araw at nagkaroon sila ng rehearsal.

“My friends told me, she was just around the hotel, nagka-casino pala siya. Kaya pala three days na ‘yung suot niyang damit, kaya pala puyat na puyat siya, inaabot pala siya ng ganu’n katagal sa gambling?” Tanong sa amin ng sikat na singer?

Parang hindi totoo ang mga ganitong kuwento, lalo na ang tungkol sa pagitan ni Nora at ng prodyuser, pero narinig namin ang voice tape ng kanilang pag-uusap.

Kilalang-kilala namin ang boses ni Nora Aunor, hindi kami maliligaw, kaya hindi kami mapararatangan ng kanyang mga tagasuporta na naghahabi-habi lang ng mga kuwentong walang kawawaan.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleGeneva Cruz, primadonna sa birthday ni Vice Isko Moreno?! – Alex Brosas
Next articleVina Morales, dedma lang sa kabit isyu! – Archie de Calma

No posts to display