Bukas, Sabado, isang linggo na ang naganap na emote ni Nora Aunor sa Unkabogable at Box-Office Star na si Vice Ganda na ginawa niyang sangkalan para mas paboran ang imbitasyon ng “Eat Bulaga” kaysa tanggapin ang guesting sa grand finals ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime.
Hindi ko alam kung papaano o kung kalian naganap ang pangyayaring nagtampo (or galit) ang dating Superstar kay Vice Ganda.
Imbes na maganda sanang exposure iyon kay Nora at sa tribute na ibibigay sa kanya at sa iba pang past winners ng “Tawag ng Tanghalan”, mas ginusto pa niyang maglaro ng “Jackpot En Poy” sa noontime show ng Kapuso Network.
Paliwanag ng dating Superstar, “Malaki ang utang na loob ko kay Tito Sen (Senator Tito Sotto). Hindi ko siya puwedeng tanggihan. Kasi alam mo naman, ang laki ng naitulong n’ya nu’ng magkasakit at mamatay si Buboy.”
Dagdag pa niya ayon sa pagkakasulat ng entertainment writer na si Mercy Lejarde, “Alam mo naman, mahalaga sa akin ang pagtanaw ng utang na loob.”
Ayon kay Nora, si Vice Ganda ang dahilan kung bakit umayaw siyang mag-guest sa noontime show ng Kapamilya Network.
Para maging malinaw lang ang dahilan ni Nora, sabi niya, “Saka hindi ako feel ng main host nila na si Vice Ganda. Baka bastusin lang ako n’yon, tulad ng pambabastos niya sa akin sa show niya.”
“‘Yung mga patutsada n’ya, parinig n’ya na alam ko, ako ang tinutukoy n’ya. Dahil minsan, ako mismo ang nakarinig, eh,” paliwanag pa ni Nora.
Napanood ko last Saturday si Nora na naglaro sa “Eat Bulaga”. Mukhang healthy si Guy at lumobo ang mukha na pakiwari ko’y namanas na halata na ang mga guhit sa gilid ng kanyang mga mata. Pero Lotlot de Leon (read: talo o talunan) si Nora sa palaro.
Para sa akin, hindi naging magandang diskarte ni Nora na sa EB siya nag-guest, gayong ang pagiging head judge niya sa “Tawag ng Tanghalan dapat last Saturday ay parang tribute na rin sa kanya bilang isa sa winners ng nasabing singing contest ng kanyang panahon.
Pero sa totoo lang, nagulat ako sa isiniwalat ni Nora na may isyu siya laban kay Vice. I just wonder kung bakit ngayon lang ito lumabas at may hinanakit pala si Nora kay Vice.
Pero as usual, one day lang naging usap-usapan ang tungkol sa emote ni Nora kay Vice na hindi naman kinagat ng media, kung ito man ang iniisip ng mga alipores ni Nora na nakapaligid sa kanya (na mostly mga faney) para mapansin ang idol nila.
Kahit saan mo man tingnan, Vice Ganda is Vice Ganda. Nora Aunor is Nora Aunor at ang panahon niya ay lumipas na.
Basta si Vice may sagot sa isyu. Sa pagiging straight forward ng komedyante isa lang ang say niya na mas maraming mahalagang bagay ang dapat pag-ukulan ng pansin tulad ng isyu ni DENR Sec. Gina Lopez at ng kalikasan at illegal minining. Tama!
Pero sa akin, sayang ‘yong chance ni Nora sa mga ganitong pagkakataon.