IPINAGDIWANG NI Superstar Nora Aunor ang kanyang ika-60th birthday sa mismong kaarawan niya, May 21 sa Meralco Multi-Purpose Hall, Meralco Compound, Ortigas Center, Pasig City. Katuwang ng TV5 ang mga tagahanga ni Nora gaya ng (NOW) Noranians Worldwide, (NFF) Nora Friends Forever at iba pa mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa bonggang selebrasyon na pinamagatang “Superstar, Noon, Ngayon at Bukas: A 60th Birthday Tribute to Ms. Nora Aunor”.
Eksaktong alas-7 ng gabi dumating si Ate Guy kasama ang kanyang manager na si Boy Palma, Joan Cabalda-Banaga, TV5 Business Unit Head at ang rap-singer-actor friend niyang si John Rendez. Kumpleto ang TV crew mula sa iba’t ibang TV networks, dahil gaya ng nasabi na noon ni Mr. Perci Intalan, TV5 Creative & Entertainment Head, “Hindi namin p’wedeng ipagkait si Nora sa ibang network, simula pa noong pagdating niya rito sa Pilipinas, sa mga malalaking selebrasyon na gaya nito dahil siya ay isang napakalaking artista.”
Lubos ang pasasalamat ni Ate Guy sa kanyang mga fans at mga kaibigan at paulit-ulit niyang binabanggit ‘yun. Hindi man nakarating ang TV5 big boss na si Manny V. Pangilinan, nagbigay naman ito ng mensahe thru VTR. Makahulugan ang sabi nito kay ate Guy, “Stay working with us!” Sinagot naman ito ni Nora ng, “Hangga’t gusto ako ng TV5, mananatili po ako rito.”
Nagbigay rin ng mensahe thru VTR ang ex-husband ni Nora na si Christopher de Leon, anak na si Ian de Leon, Dawn Zulueta, Boy Abunda, Eric Quizon (in behalf of Quizon’s family and the late Dolphy), Pilita Corrales, former leading man Cocoy Laurel, Geleen Eugenio, Gabby Concepcion, Alice Dixson, Gary Valenciano, Brillante Mendoza, and Ms. Judy Ann Santos.
Walang Lotlot de Leon, Kiko at Kenneth na dumating at tanging si Matet de Leon, asawa at mga anak ang nandu’n para sa mommy nila. Hindi pa raw kayang humarap ni Lotlot kay John na may gap pa hanggang ngayon. Me ganu’n?
Wala rin si German Moreno, na nasa abroad daw. Kahit man lang sa VTR, wala?
Napaiyak si Matet sa umpisa ng programa kung saan siya ang nag-lead ng opening prayer. Du’n ay ibinahagi niya ang pagiging mabuting ina ni Nora sa kanilang magkakapatid at kahit daw hindi sila nagkikita nang madalas ay kasama lagi ito sa kanilang dasal. Naiyak din si Nora at mahigpit na niyakap nito si Matet.
Si Arnell Ignacio ang nag-host ng programa na napakahusay. Nung tinawag nito si Jaya upang kantahan si ate Guy, sinabi nitong nag-over the bakod ang Soul Diva para lang kay Ate Guy. Kay Nora lang daw nangyayari na nagkakasama-sama ang iba’t ibang TV network at ang mga artista.
Sumayaw sina Edgar Allan Guzman, Nadine Samonte, Vin Abrenica at Eula Caballero sa saliw ng “Annie Batungbakal” na paborito ni Ate Guy. Pagkatapos umawit nina Gerald Santos at Morisette ng “Maria Leonora Theresa” at iba pang Guy & Pip standard songs, umakyat na sina Direk Joel Lamangan at Ms. Joan Cabalda-Banaga upang i-announce ang upcoming teleserye ni Ate Guy. Sinabi ng dalawa na balik-tambalan sina Ate Guy at Tirso Cruz III sa When I Fall In Love. Hindi pa sigurado ang plano pero maaari ring gumawa ng pelikula ang dalawa.
Naroon din ang bagong direktor ni Ate Guy na si Mes De Guzman sa bago niyang indie film na Ang Kuwento Ni Mabuti na intended for Sineng Pambansa.
Sa kalagitnaan ng programa ay naghandog ng “60 gifts of love” ang mga tagahanga/kaibigan ni ate Guy. Maluha-luha si Ate Guy sa mga natanggap na ‘yun at muling sinabi na para sa mga fans ang ginagawa niya at mahal na mahal niya ang mga ito. Wala ring makaawat kay Ate Guy sa tuwing bababa siya ng stage upang yakapin at hagkan ang kanyang mga loyal fans.
Pagkatapos ng programa ay isa-isang nilapitan ni Ate Guy ang kanyang mga fans sa bawat table ng mga ito. Pictorial galore ang naganap. Kitang-kita namin kung paanong dinumog si Ate Guy ng kanyang mga fans subali’t bakas ang kasiyahan niya sa piling ng mga ito. ‘Yung mga yakap at halik niya sa mga ito ang patunay na mahal na mahal ni Nora ang mga fans kaya naman mahal na mahal din siya ng mga ito magpakailanman.
RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer