PAPASUKIN ng award winning actress na si Nora Aunor o Nora Cabaltera Villamayor ang larangan ng pulitika. Nag-file ng certicate of candidacy ang superstar na tatakbo bilang representative ng party list na NORA A (National Organization for Responsive Advocacies for the Arts).
Ani Ate Guy, “Sa mahigit limampung taon ko po sa entertainment industry ay marami pong umuudyok sa akin na pasukin po ang public service. Ito na po siguro ang tamang pagkakataon para po pagbigyan ang mga taong nagsusulong at naniniwala sa akin na ako po ay makakatulong lalo na po sa mga nangangailangan.
“Panahon na po para maibahagi ko rin ang mga adbokasiya at mga plataporma na aking binuo para po sa kapakanan ng nakakarami.”
Isa sa mga dahilan nang pagtakbo ni Nora sa Kongreso ay dahil sa malasakit niya sa sining.
“Para po ito sa pinakamamahal kong sining na nagluklok sa akin sa munting kinalalagyan ko po ngayon. Sa mga manggagawa at mga taong bahagi rito mapaharap o likod man po ng kamera.
“Sa tagal ko na po sa industriya ay naging saksi po ako sa hindi magandang trato sa mga naging kasamahan ko sa trabaho lalo na po ang mga maliliit na manggagawa na bukod sa hindi po nababayaran ng tama ay hindi po naibibigay ang nararapat para sa kanila,” lahad niya.
“Kasabay nito, bibigyan ko rin ng prayoridad ang mga nasa sektor ng media lalo na ang mga nasa entertainment. Karamihan sa kanila ay walang fix na suweldo kaya dapat din silang tulungan,” dagdag ni Ate Guy.
Layunin din daw niya na matulungan pa ang mga senior citizen na kagaya niya, mapangalagaan ang mga OFWs na nakakaranas ng karahasan sa ibang bansa, mapagtuunan ang sector ng kabataan na mabigyan ng edukasyon at mapataas ang sweldo ng mga guro.
Kasama rin sa bibigyang pansin ni Nora kapag siya ay nahalal ay ang sektor ng LGBTQIA+ na napalaki ng kontribusyon sa pamayanan at komunidad.
“Mula pa noong nagsisimula po ako sa showbiz at hanggang ngayon ay naging bahagi sila ng aking karera. Marami po sa kanila ang naiitsapuwera pa rin hanggang ngayon at nagiging biktima ng diskriminasyon. Gusto ko pong maging mabagsik ang isusulong kong batas na poproteksiyon sa kanila kung ako po ay papalarin. Gusto ko pong maging pantay ang pagtingin at respeto sa kanila gaya ng tinatamasa ng bawat mamamayang Pilipino,” sabi pa ng Superstar.
Marami pang ibang plano si Ate Guy kapag siya’y nahalal.
“Gagawin ko po ang aking makakaya upang kayo po ay mapagsilbihan ng may malinis na hangarin, tapat at may pagmamahal. Gabayan nawa po tayong lahat ng Poong Maykapal at maraming salamat po,” huling pahayag niya.