SA HINABA-HABA ng paghihintay ng kanyang mga masusugid na tagahanga, sa wakas ay nakabalik na ng bansa ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor noong August 2. Alas-kuwatro ng madaling-araw, lumapag ang PAL flight PR 103 sa Centennial Terminal 2. Lulan sa nasabing flight si Ate Guy. Matapos ang halos walong taong pamamalagi sa Amerika, at sa ilang beses na pagkaunsiyami ng kanyang napapabalitang pag-uwi, natuloy rin ang pag-uwi ng Superstar.
Kasama sa mga espesyal na taong sumalubong kay Nora sina German Moreno, Laguna Gov. ER Ejercito, Jobert Sucaldito at ang Vice-President for Entertainment ng TV5 na si Perci Intalan.
Dumiretso si Ate Guy sa kanyang mga taga-hanga at iyakan ng saya ang namutawing ingay mula sa mga solid Noranians. Sari-saring emosyon ang nasaksihan, may mga kumanta, may mga taong nangilid ang luha at merong tahimik na lang sa isang sulok.
Hindi nagbigay nang mahabang panayam si Ate Guy dahil pagod siya at sa presscon na lang daw siya babawi.
Sa pagpirma naman ni Ate Guy ng kontrata sa TV5 at Cinemabuhay (Studio 5, film division) noong August 3 na nangyari sa opisina ng nasabing istasyon, present din ang tumatayong manager ni Ate Guy na si Kuya Germs, ang kaibigang si Suzette Ranillo at ang mga bigwigs ng network na sina Atty. Ray C. Espinosa at Bobby Barreiro.
Pagkatapos ng contract signing, sumabak agad ang Superstar sa isang pictorial at umiinog na nga ang mundo niya sa pagiging busy bilang bagong kabahagi ng Kapatid Network. Ginawa nga niya ang kanyang kauna-unahang comeback project sa telebisyon, ang mini-seryeng Sa Ngalan ng Ina kasama sina Christopher de Leon, Rosanna Roces, Eugene Domingo, Nadine Samonte, Edgar Allan Guzman, Alwyn Uytingco, Ian de Leon at iba pa.
Natapos na nga ang mini-serye, kaya naman pumirma ulit ng panibagong three-year exclusive contract si Ate Guy noong October 28. Hindi nga napigil ang detractors ng superstar na mag-speculate, sa pamamagitan ng unconfirmed reports na “hindi matutuloy” ang nasabing contract renewal.
Tinanong ang kanyang reaksyon at komento hinggil sa mga naging ispekulasyon o maling haka-haka, kaugnay sa contract renewal niya sa Singko, pero mas pinili ng Superstar na huwag nang pag-usapan ito.
May maayos na pag-uusap na raw kasi si Ate Guy with network officials, ayon din sa kanyang personal manager and schedule master na si Boy Palma.
Sa ngayon, marami pang plano at proyekto ang inihahanda ng Kapatid Network para sa nag-iisang Nora Aunor, kaya huwag nang intrigahin pa ng mga mahadera.
By MK Caguingin
Parazzi Chikka
Parazzi News Service