OCTOBER 3 NA ang pilot presentation ng Sa Ngalan Ng Ina na magbabalik kay Ms Nora Aunor sa telebisyon. Mapapanood ito gabi-gabi pagkatapos ng Wil Time, Bigtime sa TV5. Kasama ni Nora sa miniserye sina Christopher de Leon, Bembol Roco, Eugene Domingo, Rosanna Roces, Raquel Villavicencio, Ian de Leon, Nadine Samonte, Edgar Allan Guzman, Joross Gamboa, Alwyn Uytingco, Karel Marquez at si Eula Caballero.Ang award-winning director na si Mario O’Hara ang namahala ng kauna-unahang miniserye sa Kapatid Network.
Aligaga rin ang TV5 sa bonggang promosyon ng SNNI gaya ng “Red Carpet Premiere” nito sa SM The Block Cinema 2 kung saan dinaluhan ng lahat ng cast sa pangunguna ng Superstar at ni Boyet. Tama ang sabi ni Direk Mario minsang dumalaw kami sa taping nito, na pelikula ang ginagawa niya at hindi pang-TV lang. Kitang-kitang ginastusan ito ng produksyon, mula sa mga malalaking artista, ang set, at ang iba’t ibang lokasyon na ginamit mula Taal, Batangas, Metro Manila hanggang sa Antipolo.
Wala nga sa bokabularyo ng TV5 at ng pamunuan nito na “tipirin” ang isang Nora Aunor starring. Bakit nga naman hindi, tama lang na ibigay ang dapat sa isang gaya ni Nora na tinitingala at hinahangaan ang kahusayan hindi lang dito sa atin kundi ma-ging sa ibang bansa bilang isang artista. Hindi naman tayo mga bulag at alam natin kung gaano kalaki ang naiambag at naibigay ni Nora sa industriya ng pelikulang Pilipino. Kaya naman nararapat lang na bigyan siya ng kaukulang respeto at pagmamahal na tanging ang TV5 lang ang nakapagbigay nu’n.
Dahil sa pagmamahal at pagmamalasakit ng TV5 kay Nora, ang ganti naman nu’n ay ang tuluy-tuloy na trabaho at sagad pa plus ang tunay na galing ng isang alagad ng sining ang ginawa ni Nora, na lalo namang nagbunsod upang hangaan siya ng mga staff, crew, stars, director at ng management ng TV5. Hindi sila nagkamali sa pagkuha kay Nora at sa pagbibigay ng halaga rito.
Wala na kaming masabi kundi abangan na lang natin ang muling pagbabalik ni ate Guy sa telebisyon na kinasabikan natin sa loob ng mahabang taon.
NANG HULI KAMING magkita ng Tweenstar na si Joyce Ching ay napansin namin na medyo pumayat ito. “Diet po ako”, sagot naman nito sa amin nang pansinin namin siya. In ferness naman sa tsinitang bagets, bagay sa kanya at mas lumabas pa nga ang ganda niya ngayong medyo sexy na siya.
Tinukso pa nga namin ito na baka naman dahil kay Kristoffer Martin kaya nagpapa-sexy siya?
“Ay, hindi po. Actually, medyo stressed po pati sabay ng diet kasi po we’re doing a teleserye na sobrang stressful! Nakaka-stress in the sense na first lead role namin ni Kristoffer ito na ipinagkatiwala sa amin ng GMA-7. Pero happy po kami kasi nabigyan nga kami ng chance na magbida for the first time. Siyempre, challenge sa aming dalawa ‘yun kaya medyo may pressure din, hehehe!” Pahayag pa ni Joyce sa amin.
In ferness, ang GMA-7 pala mismo ang pumili sa dalawa upang magbida nga sa Ikaw Lang Ang Mamahalin, kung saan unang ginawa nina Sunshine Dizon at Cogie Domingo. Dagsa kasi ang mail request na bigyan na ng solo project ang dalawa mula sa kanilang mga fans all over the country. Gulat siyempre ang GMA-7 na ganu’n na pala kalakas ang tambalang Joyce at Kristoffer. Ayun, naghanap nga ng magandang materyal para sa dalawa at presto, nagti-taping na nga sila ngayon.
Ilang beses na naming personal na nasaksihan ang lakas ng tambalang ito everytime na nakakasama kami sa mga mall shows nila kaugnay ng “TweenHearts” promo nila at grabe ang tilian at hiyawan ng mga fans nila. Sa true lang, among the bagets na kasama nila at mga loveteam din, ang loveteam nila ang pinakamalakas at mas pinakamaraming fans! True iyan, huh!
‘Yun nga lang, dito sa una nilang pagbibida, malalaman kung kaya na nga nila, ‘di ba Manny Vallester?!
RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer