HINDI NA nga paaawat ang muling pagkinang ng pagiging de-kalibreng aktres ni Nora Aunor. Sapul nang maging aktibo na naman siya sa pag-arte sa harap ng camera ay sunud-sunod na naman ang awards na nakukuha niya.
Una siyang nakatanggap ulit ng Best Actress award for this year sa Gawad Tanglaw para sa pelikulang Dementia. Kasunod nito ay sa PMPC Star Awards For Movies (sa Dementia) pa rin at ikatlo ay sa Gawad Pasado kung saan ka-tie niya ang kanyang sarili para sa Dementia at sa Hustisya.
Si Nora rin ang nanalo sa kategoryang Outstanding Performance By An Actress In A Single Drama/Telemovie Program sa katatapos na 6th Golden Screen TV Awards. Ito ay para naman sa When I Fall In Love na ginawa niya sa TV5.
Kamakailan ay ginawaran din si Nora ng Lifetime Achievement Award sa ASEAN International Film Festival na ginanap sa Malaysia.
“Iba ang pakiramdam kapag binibigyan ka ng mga ganitong parangal,” sabi ng Superstar. “Masaya at talagang nakatataba ng puso. Ito ang nagbibigay ng karagdagang inspirasyon para sa aming mga artista.”
May pelikula rin siyang nakapasok na entry sa Cannes International Film Festival. Ito ay ang Taclub na tungkol sa survivors ng bayong Yolanda sa Tacloban.
Tuloy na ang kanyang pagpapaopera. Naibigay na raw sa kanya ng premyadong TV host na si Boy Abunda, na aminadong isang die-hard Noranian, ang naipangakong pinansiyal na tulong para sa Superstar. “Naka-schedule akong umalis ng June 7. At naka-schedule akong operahan ng June 10.”
Saan ba isasagawa ang kanyang operasyon? “Sa Boston.”
Ang nasabing isasagawang operasyon ang makapagbabalik sa dati ng kanyang boses para muli siyang makakanta. Kinakabahan ba siya?
“Hindi naman. Malakas ang loob ko. At ang tiwala ko rin sa Panginoon na… hindi naman siguro Niya ako pababayaan. Dahil matagal ko nang hinihintay ito na maoperahan ako. Para maibalik ulit ‘yong aking pag-awit para sa mga kababayan ko.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan