NAPAIYAK SI Nora Aunor nang kantahan at tugtugan siya ng violin ng mga batang ulila mula sa San Martin de Torres mula sa Bustos Bulacan.
Nagsi-shooting ang Superstar para sa indie film niyang Demetria nang bisitahin at gulatin siya ng mga kabataan na humigit kumulang sa 110 orphan na tinutulungan na mapalaki at buhayin sa magandang paraan ng isang teacher na umaruga sa kanila na si Ma’am Myrna del Rosario.
Tamang-tama nang dumating ang mga kabataan ay katatapos lang ng ilang eksena at dito na kinantahan at tinugtugan ng mga ulilang kabataan si Ate Guy na hindi napigilan ang mapaiyak.
Napaiyak si Ate Guy habang inaawitan siya na sinabayan ng pagtugtog ng violin. Damang-dama ng Superstar ang mga awitin ng 110 orphan habang nasa gitna sila ng kabukiran ng San Martin de Torres.
Matapos kantahan ang Superstar, nagpahanap ng baboy na puwedeng i-lechon dahil gusto niyang mabigyan ng kasiyahan ang mga kabataang dumayo pa roon at pati na rin ang buong staff at mga kasamang artista sa Demetria.
Sa naturang liblib na lugar din nakita ng Superstar ang mga kabataan marunong rumespeto at humalik ng kamay sa tuwing sasapit na ang gabi.
Kasama ni Ate Guy sa nasabing indie film sina Jasmine Curtis-Smith, Chynna Ortaleza, Jeric Gonzales at Konsehal Yul Servo.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo