ANIMO’Y FLASH REPORT ang pagkakatiyempo nating mapanood ang ANC “Citizen Pinoy” kung saan may mahabang interview para sa updates ang nag-iisang superstar, si Nora Aunor direct from the U.S. of A. Maraming tulad kong Noranians ang natutuwa nito, dahil uhaw na uhaw sila sa mga balitang magpapakita at magsasabi kung ano na nga ba ang latest tungkol sa kanya ngayon.
Magandang balita ang una kong ihahatid sa inyo. May Green Card na ang inyong idol, este, ng ating idolo pala. Mismong sina Nora Aunor at Abogado niyang si Atty. Michael Gurfunkel at host Gel Santos-Relos naghatid nito. “I have to thank Atty. Michael for helping me with this,” aniya na siyempre, pa-Ingles-Ingles na rin kahit pasalit-salit lang. “Maraming problema ang maaayos ko nito dahil legal na ako.”
More or less 4 hanggang 5 taon na rin palang naninirahan ang superstar na si Nora Aunor sa U.S of A at maraming dahilan din ang malalantad ngayong malaya na siyang makapag-trabaho at maninirahan doon. “Para doon sa mga laging nagsusulat ng negative tungkol sa akin, matutuwa na rin sila sa pangyayaring ito. Wala naman kasing kaso sa akin kung sakaling nakita nila akong minsan na sumasakay sa bart (tren), tulad ng ginagawa ng karaniwang mamamayan dito o kaya’y maglalaba ako nang mag-isa. Ang importante, wala akong ginagawang masama.
“Sanay ako sa pagiging mahirap noong nasa Bicol pa kami noong hindi pa ako artista. Pumupunta ako sa basurahan para maghanap ng maliliit na abakal na itinitinda ko. Para may maibili kami ng makakain araw-araw. Hindi lang pagtitinda ng tubig sa tren ang ginagawa ko. Maraming mas mahihirap pa doon,” sabi ni Nora Aunor.
Dimples Romana is blessed at Kapamilya network
ANO NGA BANG suwerte mayroon si Dimples Romana at tatlo-tatlong proyekto ang ginagawa niya sa Kapamilya network, samantala ang iba ay madalang pa sa patak ng ulan.
Hindi lang kasi sa sitcom ng George & Cecile nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo siya mapapanood, kundi sa Only You din nina Angel Locsin, Sam Milby at Diether Ocampo, at sa Nasaan Ka Maruja? nina Kristine Hermosa, Karylle at Derek Ramsay.
“Kung minsan nga po, nagkakatawanan na lang po kami ni Al (Tantay) dahil kung ngayon ay nagkikita-kita kami sa Only You, bukas naman dito sa George & Cecile,” ani Dimples nang aming makausap. “Nagpapasalamat na lang po ako kay Lord dahil sa mga blessings na ito.
Halos ganito rin ang damdamin ni Al. “Ako naman, ngayon pa lang po pumapatak ang suwerte, huwag n’yo na pong kontrahin, please. Para magtuluy-tuloy. Mahirap po ang ekonomiya. Marami po ang a-agree sa akin dahil, tulad nila ay kailangang-kailangan ko rin ang biyaya ni Lord.”
Dino Imperial plays Ryan Agoncillo’s younger brother in George and Cecil
HINDI NAMAN NAIPALIWANAG ni Dino Imperial kung bakit for quite a while, nawalan siya ng proyekto sa TV. ‘Yan tuloy, mukhang nauungusan na siya nina Enchong Dee at Aj Perez na parehong bida sa Boystown, samantalang siya ay kontrabida na lamang. Kapansin-pansin din si Mart del Rosario na noong una, markadong-markado ang role sa Natutulog Ba Ang Diyos? kung saan unang nagkasama sina Roxane Guinoo at Jake Cuenca. Taglay ni Mart noon ang potential ng isang possible big star, lalo na’t may maamo siyang mukha at magaling sa drama. Oo nga’t maganda rin ang magkontrabida. Lalo raw nahahasa ang mga baguhang artista kapag gumaganap ng ganitong role. Pero, iba pa rin ang bida, dahil sa kanila tumitili ang mga fans at sila ang nagdadala ng project.
Pero, mukhang babawi si Dino sa sitcom nina Juday at Ryan, lalo’t nakababatang kapatid ni Ryan ang role niya. Sa presscon pa rin, kapuna-puna ang rapport niya sa bawat member ng cast, lalo na sa kanyang “kuya” Ryan at kay Direk Joey Javier Reyes.
Speaking of Direk Joey, ibang sigla ang ipinakikita niya bilang utak ng istorya ng sitcom in the same manner na siya rin ang nasa likod ng Kasal, Kasali, Kasalo at Sakal, Sakali, Saklolo blockbuster movies ng bagong kasal. At nariyan din sina Manuel, Jommy at Marion ng Fear Factor na handpicked nga raw niya para mabuo ang kanyang kaligayahan habang nagtatrabaho, ‘di po ba, direk?
BULL Chit!
by Chit Ramos