“BRILLIANT” IDEA ni Direk Brillante Mendoza ang pagsamahin sa isang pelikula sina Nora Aunor, Vilma Santos, at Coco Martin!
Ito ang ipinahayag ng 2009 Cannes Best Director nang ma-interview namin siya sa sneak preview ng kanyang obrang Captive sa Shang Cineplex sa Shangri-La Mall, Mandaluyong City noong June 9, Sabado.
Ayon kay Direk Dante (palayaw niya), dream commercial film project niya ang pagsamahin ang Superstar na si Ate Guy at ang Star for All Seasons na si Ate Vi, kasama pa ang one of the hottest actors of today’s generation – si Coco!
Thursday, June 7, sa event ng Generics Pharmacy, nabanggit sa interview ng press kay Vilma na maaaring gumawa rin ng pelikula ang aktres under Direk Brillante.
Nakatapos na nga kasi si Direk Brillante sa paggawa ng isang pelikula with Ate Guy, ang Sa ‘Yong Sinapupunan (Thy Womb ang international title), na sinabmit na sa Metro Manila Film Festival Philippines 2012.
Ani Direk Dante, aprubado na raw ito nina Nora at Coco, schedule na lang ni Vilma ang hinihintay upang makasagot ito sa kanya.
“Niluluto pa (ang proyekto). Pero sana, matuloy… Hinihintay pa namin ang mga… Okey na kay Nora, okey na kay Coco, so, schedule na lang ni Ate Vi,” say ni Direk Dante.
Hindi pa raw puwedeng sabihin kung ano ang magiging istorya. “Kasi, mahaba-haba pa ‘yan, eh,” aniya.
“Excited ako rito, kasi, sabi ko, kung gagawa ako ng commercial movie, gusto ko, commercial talaga na maraming manonood. Gusto ko talagang panoorin ng mga tao.”
“Ang nakakausap ko pa lang ay sina Ate Guy at Coco, si Ate Vi, hindi pa. Kasi, we’ve been trying to get in touch with her… Si Ate Guy, she’s very excited, of course, as usual, kasi, she wants to work with me again after Thy Womb.
“Si Coco, alam naman natin na dati ko siyang kasama sa mga pelikula ko, so, excited lahat sila. Sabi ni Coco, this is a dream come true, kung magkatotoo man.”
Nagsimula raw ang idea na ito ni Direk nang sabihan siya ni La Aunor na gusto nito muling gumawa ng pelikula under him, after Sa ‘Yong Sinapupunan.
“Sabi sa kanya ng TV5, parang ang gusto niya, sa career path niya, its either gumawa ka ng a very commercial movie or a movie that can give you awards.
“I think, I’m falling on such category naman,” tawa niya.
Say ni Direk, tinatrabaho raw ang proyekto under Star Cinema, ang shooting ay gagawin dito sa ‘Pinas at sa labas ng bansa.
“Trinatrabaho sa Star Cinema. As usual, schedules, eh. Alam mo naman ako, ‘pag nagsi-shoot ako, ayoko ng masyadong ano… Eh, tatakbo pa ‘ata si Ate Vi next year. So, schedules.”
Personal idea niya raw ito, which we find it “brilliant”.
“Yeah, it’s my brainchild. Sabi ko kasi, kung gusto kong gumawa ng commercial movie, sabi ko, gagawa ako ng ganoon, pero the objective is commercial. ‘Pag sinabi nating commercial, sabi ko, dapat, maraming manonood, kumbaga, dapat blockbuster siya!
“Siyempre, two of the greatest actresses of Philippine Cinema, plus si Coco na siya ‘yung parang pinaka-“in” ngayon sa young generation. So, ‘pag pinagsama-sama mo ‘yung tatlo, iba rin ‘yung movie, ‘di ba?”
Paano ang exposure ng characters ng dalawang aktres?
“Siyempre, kinu-consider natin ‘yun, alam naman natin na given ‘yun. So, ‘yun siyempre ang tututukan natin – na dapat, balanse,” say ni Direk Dante.
Marami ang umaasang matuloy ang nasabing Nora-Vilma-Coco project next year (2013), dahil if ever, maaaring ito ang maging hudyat ng pagbabalik ng mga moviegoers sa panonood ng local films.
Tapos na ang era ng “rivalry” ng Nora-Vilma, new generation na, at talagang wala na silang dapat pang patunayan sa mga naiambag nila sa Pinoy movie industry.
Kung ang film offer ay galing sa isang Brillante Mendoza na isang multi-awarded at internationally-acclaimed director, may bobongga pa ba?
Mellow Thoughts
by Mell Navarro