SOBRANG KAKAIBA talaga ang naging marka nina Nora Aunor at Vilma Santos sa showbiz, dahil silang dalawa talaga sa kasikatan nila noon ang ipinangangalandakan nina Kuya Germs (German Moreno) at ng mga yumao niyang kaibigang sina Ate Luds (Inday Badiday), at Ike Lozada na mga kasikatang subok na matibay, subok na matatag. Kasi nga, grabe ang pinagdaanan nina Ate Guy at Ate Vi sa patuloy nilang pagsikat, dahil ang dami-daming gustong umagaw sa kasikatan nila.
Kakaiba ang mass appeal nina Nora at Vilma kahit sabihin pang pareho silang maliit ang height. Sila ang pumalit sa kasikatan nina Amalia Fuentes at Susan Roces. Nu’ng sina Guy & Vi na ang nasa kainitan ng popularity ay inilampaso nila ang kasikatan ng mga bomba stars. Nang mailampaso nila ang mga hubadera ay ang dami-daming nagdatingan na magagandang artista tulad nina Marianne dela Riva at Leila Hermosa at sinundan ng pa ng kasikatan nina Lorna Tolentino at Alma Moreno.
Si Sharon Cuneta ang dumating sa showbiz na muntik maagaw ang kasikatan nina Nora at Vilma. Kaya lang, gumawa lang talaga si Shawie ng sarili niyang marka kaya walang kumontra na tawagin siyang Megastar. Napakaraming pelikulang ginawa sina Guy at Vi na hindi kayang tapatan ni Sharon, kaya hanggang ngayon ay buhay pa rin ang tapatan ng Superstar at Star For All Seasons. Isang malaking pagkakaiba rin, na nu’ng panahon nina Ate Guy at Ate Vi ay nagpakaraming kumpanyang nagpo-produce ng pelikula, kaya matagal silang nagbida. Solid din noon ang paghanga ng mga fans, hindi katulad ngayon na ang mga fans ay nababayaran na para sumigaw at pumalakpak sa mga artista. Salawahan ngayon ang mga fans, kaya nahihirapang sumikat nang todo ang mga baguhang artista pagkatapos nina Guy at Vi.
ChorBA!
by Melchor Bautista