SPEAKING OF Nora Aunor, deadma na lang ang Superstar sa mga negative issues na naglalabasan laban sa kanya. ‘Yung pagpapaopera niya sa lalamunan sa US para manumbalik ang golden voice nito na hindi na natuluy-tuloy. May balitang ring sinagot na raw ni Boy Abunda ang gastos sa operasyon. May nagsasabing nalustay na raw ng Superstar ang perang bigay ng TV host.
Natatawa lang si Boy Palma sa mga issue ibinabato sa Superstar, “Lahat ng gusto nilang tanungin kay Ate Guy ay sasagutin nito sa presscon ng Kabisera,” turan niya.
Nalaman din ni Mayor Joseph Estrada naka-schedule si Ate Guy sa US for throat operation. “Sabi nga ni Mayor Estrada sa akin, bakit kailangan pa raw pumunta sa US ni Ate Guy para magpaopera Bakit hindi raw muna kumuha ng second opinion dito sa atin. Maraming magagaling na espesyalista sa throat dito. Tama nga naman si Mayor Estrada na kumuha kami ng second opinion. Walang masama du’n, ‘di ba? Mas malaki ang magagastos ni Ate Guy kung sa America siya maooperahan. Kung pwede naman pala dito, much better,” dugtong pa ni Boy Palma.
Ipinaliwanag din ni Tito Boy kung bakit hindi matuluy-tuloy ang pagpapaopera ni La Aunor sa ibang bansa. “Ang totoo n’yan, naka-schedule na si Ate Guy for operation sa US. Kailangan lang naming tapusin ‘yung commitment na nasagutan na namin. Nagkaroon ng aberya sa shooting schedule na dapat sana tapos na naming gawin ang Kabisera. Nagkaroon ng additional shooting days si Ate Guy. Kailangan naming tapusin ‘yung pelikula. Dapat sana’y ‘yung movie ni Adolf Alix ang ginagawa na namin ngayon. Bale two movies ang gagawin namin kay Direk Adolf, ‘yung isa, rito ang shooting at ‘yung second film ay sa abroad kukunan.”
Tinanong din namin si Tito Boy tungkol sa issue na sinagot ni Boy Abunda ang gastusin sa pagpapaopera ni La Aunor sa US. Biglang tumawa ang manager ng Superstar, “Mas mabuti siguro si Ate Guy na ang sumagot n’yan. Para maging malinaw, totoo ba o hindi ibinigay na raw ni Boy Abunda ang pera para sa operasyon?” Nakaiintrigang sagot ni Tito Boy Palma.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield