GALIT at naiinis ang multi-awarded director na si Joel Lamangan kapag nale-late ang kanyang mga artista sa shooting ng pelikula o taping ng teleserye. Ayaw din niya sa mga artistang walang respeto sa production staff na nakakatrabaho nila sa set.
Ayon sa premyadong director, hindi dapat na lumalagpas sa calltime ang pagdating ng mga artista. Mas naa-appreciate daw niya na before call time ay nando’n na ang artista at napag-aralan na nito ang mga linya ng bawat eksenang gagawin.
“Ayoko talaga nang late! Ayaw ko no’n. Walang karapatan na mag-antay ang 150 people sa isang tao. Kaya dapat on time. Cost ng production yon pag nale-late. Hindi dapat!” talak ni Direk Joel sa ginanap na storycon ng bago niyang pelikulang Fall Guy na pinagbibidahan ni Sean de Guzman.
Maging ang malalaking artista sa industriya ng showbiz ay minsan na rin daw niyang natalakan noon.
“Talagang makakarinig ka sa akin kung sino ka man! Si Nora (Aunor), si Vilma (Santos), si Sharon (Cuneta), kung sino man, si Juday (Judy Ann Santos). Lahat yan nakarinig sa akin kapag nale-late.
“Hanggang sa pinakamaliit na tao sa set dapat iginagalang ng artista. Dapat marunong siyang makisama sa lahat. Kung hindi, palalayasin ko siya sa set. Ginagawa ko talaga yan,” pahayag ni Direk Joel.
Naging direktor ni Sharon Cuneta si Direk Joel sa mga pelikulang Ikaw, Magkapatid at Mano Po 6.
Sa pelikulang Sabel naman naidirek ni Lamangan si Judy Ann kung saan nanalo ito ng dalawang best actress award. Naging magkatrabaho din ang dalawa sa Magkapatid.
Si Nora Aunor ay isa rin sa madala makatrabaho ni Direk Joel. Nagkasama sila sa The Flor Contemplacion Story na nagbigay ng iba’t ibang parangal sa Superstar. Huli silang nagkasama sa MMFF movie na Isa Pang Bahaghari.
Sa Mano Po 3 ng Regal Entertainment ay nagkaroon din ng chance ang veteran director na maidirek si Vilma Santos.
May pakiusap naman si Direk Joel na huwag matakot sa kanya ang mga artistang hindi pa niya nakakatrabaho dahil sa image niya ng pagiging terror.
“Hangga’t hindi ko pa sila nakakatrabaho, wala silang karapatan na tawagin akong terror. So, sana huwag nilang paniwalaan agad yan.
“I just become a terror to those who are not responsible and do not fulfill their duties as actors in the film. Those who don’t know what they’re doing or refuse to know what they are doing,” saad pa niya.