NAKATUTUWANG ISIPIN na ang baguhang aktor na si Norris John ay naglayas mula sa Ifugao para lang mag-extra sa isang soap opera noon ni Cristine Reyes, pero hindi ito nagkaroon ng pagkakataon sa nasabing programa ng Dos at sa halip sa isang indie film nasabak. “Gusto ko po talagang mag-artista at akala ko nu’n, isang oras o dalawang oras lang ang pag-e-extra, ang tagal pala.
Tatlong araw nawala si Norris sa Ifugao kaya ganu’n na lang ang takot ng kanyang mga magulang at naibsan lang ang pangamba ng mga ito nang malamang nasa maayos na kalagayan ang kanilang anak at napasabak ito sa isang pelikula. Natural natuwa ang mag-asawang Mommy Jeniffer at Kuya Noli dahil artista na ang kanilang panganay. Subalit nadismaya ito dahil sa hubaran pala nasabak ang binata.
“Ayoko na pong maghubad na tulad sa mga ginawa ko noong una,” pahayag ni Norris John na nagsabi pa rin sa Pinoy Parazzi na nagpapasalamat siya nang malaki sa kanyang mga magulang dahil ang pangarap niyang maging artista ay sinusuportahan ng mga ito.
At sa pelikulang Gabriel (Ito Ang Kuwento Ng Buhay Ko) na written and directed by Ronald Rafer, isang bagong Norris John ang mapapanood.
Action-drama na may konting love story ang tema ng pelikula na pinagbibida-han ni Norris John. “Nagpapasalamat ako sa Mama ko at sa Papa ko dahil hindi lang nila ako sinuportahan, kundi ipinag-produce pa rin nila ako ng sarili kong movie. Kaya sabi ko nga, napakapalad kong anak sa pagkakaroon ng magulang na tulad nila.”
Sina Simon Ibarra, Marife Necesito, Joana Marie Tan, John Relucio, Joyce Ching at ang dating young star na si Lester Llansang ang mga kasama ni Norris sa pelikulang Gabriel na nakatakdang ipalabas sa mga piling sinehan ng SM Cinema sa February 6.
Kaya sa February 6 ay kitakits po tayo sa mga sinehan para husgahan kung may “K” nga bang mag-artista ang binatang si Norris John.
More Luck
by Morly Alinio