SOBRANG TUWA ni Ms. Nova Villa nang malaman niyang magkakaroon ng regular run ang Cinemalaya entry na “1st Ko Si 3rd” sa November 12 sa lahat ng Ayala Malls Cinema. Nu’ng ipalabas kasi ito nu’ng nakaraang pestibal ay marami siyang kaibigan na hindi nakapanood. Maging nu’ng nagkaroon ito ng screening sa UP Film Center, hindi rin inabutan ng mga ito. Mga kasamahan ni Nova sa simbahan ang mga ito na hinayang na hinayang noon na hindi nila napanood ang indie film kung saan kapareha pa naman nito ang kanyang long-time screen partner na si Freddie Webb.
Nu’ng malaman nga ni Ms. Nova na magkakaroon ito ng regular run, halos maiyak siya sa tuwa. Kaagad niyang ipinaalam ito sa mga kaibigan at sa iba pang tao na nagtatanong tungkol sa pelikula.
Hindi lang ang magandang balita sa regular showing nito ang natanggap ni Ms. Nova dahil naimbitahan din ang movie sa Hawaii International Film Festival 2014, kung saan kasama niya ang kanilang direktor na si Real Florido para um-attend sa red carpet premiere. Kasama rin ang pelikula sa Circle Competition of the 2nd QCinema International Film Festival na magaganap sa unang buwan ng November sa Quezon City.
Isa pang ikinatutuwa ni Ms. Nova ay ang magagandang reviews sa kanilang pelikula at sa acting niya along with Freddie at Dante Rivero.
“First time naming nag-drama ni Freddie at kahit siya gulat na gulat sa akin nu’ng nagda-drama na ako. Bilib na bilib siya sa akin. Hindi raw niya akalain na may itinatago akong galing sa pagda-drama. Eh, kasi naman, lahat ng pinagsamahan namin eh, puro patawa kami, sa “1st Ko Si 3rd” seryoso talaga kami,” masayang sabi ni Ms. Nova nang makapanayam namin ito kamakailan.
Nabanggit ni Ms. Nova na in her 43 years sa showbiz, wala raw siyang regrets. Ano pa raw ba ang hihilingin niya? Marami siyang taong napasaya sa maraming comedy shows na ginawa niya sa TV at ngayon nakapag-bida pa siya sa isang magandang pelikula. Dagdag pa ng comedienne-actress, hangga’t kaya pa niya, hinding-hindi niya iiwan ang pag-arte sa pelikula man o sa TV.
RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer