Ilang kandirit na lang at mag-aabot na rin sa ratings sina Liberal Party Presidential bet Noynoy Aquino at Nacionalista Party bet Manny Villar.
Sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations o SWS noong January 21-24, lumalabas na pitong porsyento na lang ang lamang ni Aquino kay Villar. Dalawang porsyento ng naunang rating ni Aquino ang nawala habang dalawang porsyento naman ang dumagdag sa ratings ni Villar.
Ganito rin halos ang lumabas na resulta sa isinagawang sarbey ng Pulse Asia noong January 22 hanggang 26. Lumalabas na nadagdagan ng 12 porsyentong puntos si Villar mula 23% tungong 35% na naglalapit sa kanya kay Aquino na nasa 37% ratings mula sa dati nitong 45% ratings noong Disyembre.
Samantala, ’tila naman sawa na ang mga kabataan sa walang tigil na batuhan ng putik ng dalawang nangungunang kandidato. Kung mga kabataan lang kasi ang boboto, tiyak na ang panalo ng Lakas-Kampi-CMD bet Gilberto “Gibo” Teodoro dahil lagi itong nangunguna sa mock elections na isinasagawa ng iba’t ibang pamantasan at organisasyon sa iba’t ibang panig ng bansa.(Parazzi Reportorial Team)